Home HOME BANNER STORY Socmed influencer sa viral HPG escort issue kakasuhan!

Socmed influencer sa viral HPG escort issue kakasuhan!

MANILA, Philippines – Target ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na magsampa ng reklamong cyber libel laban sa isang social media “influencer” na si Mary Joy Santiago na nasa likod ng viral post kung saan nakasaad na ang kanyang sibilyang sasakyan ay inescortan umano ng isang pulis upang maiwasan ang traffic.

Sa isang media briefing, sinabi ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nakipag-ugnayan ang PNP-HPG sa indibidwal at sa una ay nakipag-usap sa kanya.

“Pero nung mga sumunod ay may mga dahilan na busy siya, marami siyang engagement. So until today ay hindi na po nila nakakausap. So ang intensyon po ng Highway Patrol ay magsampa po ng kaso,” ani Fajardo.

“Ang intention ng HPG ay magsampa ng kaso laban kay Ms. Santiago for violation of cybercrime laws,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi pa ni Fajardo na ang pangalan ng HPG ay nakaladkad sa nasabing post na ito.

Ayon kay Fajardo, itinatanggi ng PNP-HPG na posibleng hindi nila tauhan ang nasabing opisyal sa puwesto.

Sinabi niya na ang HPG ay may bagong uniporme na may mga serial number, na nawawala sa vest na suot ng opisyal sa post sa social media.

Idinagdag ni Fajardo na wala ring marka ang motorsiklo.

“Ang sinasabi ng HPG mukhang ‘di po nila tao itong police na nakita, kasi after sa mga sumunod na insidente involving ‘yung HPG ay nag-implement sila ng bagong uniform na may serial numbers. Kung mapapansin niyo, walang serial numbers po itong mga vests, maging ‘yung mga side boxes po nung motor ay walang marking,” giit pa ni Fajardo.

“So dalawa po ‘yung tinitignan nila na possibility. Na nagpanggap po ito na nag suot lamang po ng vest ng Highway Patrol,” dagdag pa ni Fajardo. RNT