Home OPINION REGULAR HOLIDAY WITH PAY IDINEKLARA PARA SA  “EID AL-ADHA”  

REGULAR HOLIDAY WITH PAY IDINEKLARA PARA SA  “EID AL-ADHA”  

Long weekend na naman mula June 15, 2024 hanggang June 17, 2024, matapos ideklara ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang ikatlong Lunes ng Hunyo bilang regular holiday kaugnay sa obserbasyon ng “Eid al-Adha” o ang “Feast of Sacrifice” ng mga Filipino Muslim sa bansa sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 579.

Ibinase ang deklarasyon sa rekomendasyon ng NCMF o National Commission on Muslim Filipinos alinsunod sa Republic Act No. 9849 at sa 1445 Hijrah Islamic Lunar Calendar.

Ang “Eid al-Adha” ang isa sa dalawang pinakamataas na kapistahan ng pananampalatayang Islam kung saan inaalala ang pagpayag ni Propeta Ibrahim o Abraham na ialay ang kanyang anak bilang pagsunod sa kagustuhan ni Allah.

Nagkakaroon ng mga espesyal na panalangin, pagtitipon ng mga nasa komunidad, at pag-aalay ng mga hayop na tupa, kam­bing, baka o kamelyon.

Kasabay nito, nagpaalala na ang DOLE o Department of Labor and Employment sa mga employer na obligado silang magbayad ng manggagawa sa June 17, 2024 bilang isang regular holiday.

Ang mga manggagawa sa pribadong sektor na magre-report sa trabaho sa Hunyo 17, Araw ng “Eid al-Adha” ay may karapatang tumanggap ng double pay o 200% ng kanilang pang-araw-araw na suweldo, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Paalala ni DOLE Secretary Bienvenido Estudillo Laguesma sa mga employer, dapat sumunod sa mga patakaran sa pasahod na nakabalangkas sa mga proklamasyon na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagdedeklara sa mga petsang ito bilang regular holiday.

Kung sakaling pumasok sa trabaho ang empleyado ay doble ang kanyang magiging kabayaran at mas mataas na kompyu­tasyon kapag nag-overtime.

Ipinaliwanag ni Kalihim Laguesma, ang mga empleyadong nagtatrabaho sa isang regular na holiday ay makatatanggap ng 200% ng kanilang karaniwang suweldo sa unang walong oras. Ang mga nagtatrabaho ng overtime ay kikita ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate.

Ang mga nagtatrabaho sa araw ng kanilang pahinga, kasabay ng holiday, ay makatatanggap ng dagdag na 30% bukod pa sa kanilang double pay. Kung magtatrabaho sila ng overtime sa naturang araw, tataas ang kanilang suweldo ng karagdagang 30%. Gayunpaman, ang mga empleyado na hindi nagtatrabaho sa Hunyo 17 ay babayaran pa rin ng 100% ng kanilang suweldo, kung sila ay nag-report sa trabaho o nasa leave of absence na may bayad sa araw bago ang holiday.

Sa mga pamilya, magbabarkada o lovers na bibiyahe, ngayon pa lamang ay planuhin na ang inyong mga gagawin para mas maging masaya at maayos ang inyong bonding.