
AYON sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), may karapatan ang solo parents sa mas pinalawak na pakete ng mga serbisyong panlipunang proteksyon sa ilalim ng Republic Act No. 11861 o ang Expanded Solo Parents’ Welfare Act.
Para makakuha ng iba’t ibang programa at serbisyo ng pamahalaan mula sa iba pang mga institusyon, kailangan nilang magparehistro sa Solo Parents Office ng kani-kanilang lokal na pamahalaan at mag-aplay para sa SPIC at sa booklet.
Ipinag-utos naman ng National Housing Authority (NHA) na ang solo parents na may valid o updated na solo parent identification cards (SPIC) at may kita na mas mababa sa poverty line na itinakda ng Philippine Statistics Authority ay magkaroon ng pantay na pagkakataon sa pabahay sa mga proyekto ng NHA at maging responsableng miyembro ng Homeowners Association.
Kabilang pa sa mga benepisyo sa ilalim ng R.A. No. 11861 ang buwanang cash subsidy na Php 1,000 mula sa kani-kanilang Local Government Unit (LGU), basta’t minimum wage earner o mas mababa ang kita at hindi benepisyaryo ng iba pang programa ng pamahalaan na may kaugnayan sa cash assistance.
May pagkakataon din ang solo parents at kanilang mga anak sa mga scholarship at iba pang programang pang-edukasyon mula sa Department of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority.
Ayon sa batas, ang isang solo parent ay tumutukoy sa isang indibidwal na may nag-iisang responsibilidad sa pagpapalaki ng anak o mga anak dahil sa ipinanganak na hindi kasal ang anak at walang kinikilalang ama o ina; iniwan ng asawa o partner nang walang balak na bumalik; namatay o nakakulong sa loob ng hindi bababa sa tatlong (3) taon, at may kapansanan o karamdaman na walang kakayahang gampanan ang tungkulin bilang magulang ang kanilang asawa o partner; legal na hiwalay o de facto separated sa asawa o partner na may custody ng anak; at iba pang kadahilanan o sitwasyon depende sa pag-analisa ng DSWD.
Kasama rin sa depinisyon ang mga kamag-anak o guardians na siyang nag-aalaga sa isang bata dahil sa kawalan, kapansanan, o pag-abandona ng mga magulang. Maging ang mga mga asawa ng Overseas Filipino Workers na na-deploy sa ibang bansa at higit isang taon ang kontrata.