MANILA, Philippines – Dapat linawin ni Senador Imee Marcos ang kanyang paninindigan sa politika, ayon kay Iloilo 1st District Rep. Janette Garin, matapos siyang lumiban ang campaign rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas bilang protesta sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“I believe ano na eh, it’s time for the for the Senator to really decide kasi kung ano man ang tatahakin niya at people will respect and believe in you more if you take one stand para makatutok na talaga siya kung saan ‘yong direction ng kanyang kampanya,” ani Garin.
Bagamat nauunawaan ni Garin ang damdamin ni Marcos, binigyang-diin niyang kailangan nitong pumili ng panig.
Bagaman bahagi ng administrasyong Alyansa, patuloy na ipinagtatanggol ni Marcos ang mga Duterte kahit pa binabatikos ng mga ito ang kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Garin, hindi epektibo sa politika ang pagsuporta sa magkasalungat na panig. Aniya, maaaring mawalan si Marcos ng suporta mula sa Alyansa o sa mga tagasuporta ni Duterte.
“Ako sa politika ang paniniwala ko is take a stand, go with what you believe, and join the group that you believe in. In the case of Senator Imee Marcos kasi marami siyang mga nasasabi against the programs of the current administration pero sumama naman siya dito sa Alyansa (Para sa) Bagong Pilipinas which is actually headed by the President, so ‘yon bang iba ang lumalabas sa mga nasasabi niya, iba naman ‘yong nakikitang action niya,” paliwanag ni Garin.
“Sa politika kasi that’s a deadly combination kasi dapat tumayo ka eh, if you are on the right side dito. Kung nasa pula ka, sa pula ka; kung nasa puti ka, nasa puti ka, so in this case siyempre lalo na’t medyo kailangan niya pa ng kadagdagan na boto, she cannot afford to lose the votes of the Duterte supporters […] Pero kung nandidito naman siya na talagang openly defending the former president, mawawala naman ‘yong suporta ng Alyansa sa kanya,” giit pa niya.
Humingi ng paumanhin si Marcos sa mga taga-Leyte sa kanyang hindi pagdalo sa rally, sinabing hindi niya matanggap ang nangyari kay Duterte.
Inaresto si Duterte pagdating sa Pilipinas at kalaunan ay dinala sa The Hague para litisin sa International Criminal Court dahil sa umano’y paglabag sa karapatang pantao. Ikinumpara ni Marcos ang sitwasyon ni Duterte sa pagkakatapon ng kanyang ama matapos ang People Power Revolution noong 1986.