MANILA, Philippines — Nanawagan si Abra Rep. JB Bernos sa pamahalaan na gawing prayoridad ang agrikultura upang maiwasan ang posibleng krisis sa pagkain dulot ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon kay Bernos, maaaring tuluyang talikuran ng mga magsasaka at mangingisda ang kanilang kabuhayan kung hindi matutugunan ang tumataas na gastos sa produksyon.
“Buong bansa ang magdurusa kapag tinalikuran ng magsasaka at mangingisda ang kanilang kabuhayan,” ani Bernos.
Binigyang-diin niya na ang mataas na presyo ng langis ay nagdudulot ng dagdag pasanin sa sektor, na posibleng maging “final nail in the coffin” para sa maliliit na agricultural players.
Iminungkahi ng mambabatas ang pagpapababa ng gastos sa agrikultura sa pamamagitan ng mas murang pataba, binhi, makinarya, at post-harvest facilities.
Suportado rin niya ang plano ng pamahalaan na palawakin ang lokal na produksyon ng biofertilizer upang mabawasan ang pagdepende sa imported na kemikal na pataba.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy na maaaring hindi na bumalik sa dating antas ang presyo ng langis, na patuloy na may epekto sa iba’t ibang sektor kabilang ang agrikultura. RNT/JGC