MANILA, Philippines — Nagbigay ng huling babala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga transport network companies (TNCs) na ayusin ang listahan ng kanilang driver-beneficiaries para sa cash aid.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, hanggang Abril 27 na lamang ang deadline para magsumite ng “malinis at beripikadong listahan” matapos ang mga problemang dulot ng mali at dobleng entries.
“Huling pagkakataon na ito para ayusin ang listahan,” diin ng kalihim.
Inamin ni Gatchalian na nagkaroon ng pagkaantala sa payout dahil sa mga inconsistencies sa listahan na isinumite ng TNCs, at iginiit na dapat silang managot dito.
Upang matiyak ang accuracy, magtatayo ang DSWD ng “clean data room” kung saan isa-isang ibe-verify ang mga pangalan gamit ang system para maiwasan ang duplicates at iba pang isyu.
Isa na lamang pang special payout ang isasagawa gamit ang bagong mekanismo, bago tuluyang ipatupad ang mas maayos na sistema.
Nakikipagtulungan na rin ang ahensya sa mga e-wallet providers tulad ng GCash at Maya para sa mas mabilis na distribusyon ng ayuda.
Dagdag pa ng DSWD, inaasahang mabubuo sa prosesong ito ang isang national database ng mga driver, na makakatulong sa mas mabilis at target na tulong ng pamahalaan sa hinaharap.
Ang cash aid ay bahagi ng AICS program bilang tugon sa epekto ng tumataas na presyo ng langis sa sektor ng transportasyon. RNT/JGC