Home NATIONWIDE Solon sa ‘Bagong Pilipinas’ hymn: Maghanda na sa mahabang flag ceremony

Solon sa ‘Bagong Pilipinas’ hymn: Maghanda na sa mahabang flag ceremony

MANILA, Philippines – Hinamon ng isang mambabatas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panindigan ang mga pangako nito at simulan na ang mga pagbabago sa administrasyon sa halip na ipag-utos sa mga paaralan at unibersidad ang pagsama sa Bagong Pilipinas hymn sa flag ceremony.

Sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo, sinabi ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na sang-ayon siya kay Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pagsasabing ang pagiging mandatory ng Bagong Pilipinas hymn at pledge sa lahat, maging sa pribadong sektor, ay mangangailangan ng pag-amyenda sa kasalukuyang Flag and Heraldic Code.

“As legislator titingnan natin ‘yung consistency n’yan doon sa Republic Act 8491, ‘yung tinatawag na flag law kasi parang ginawa sa [memorandum cirucular] na mandatory ito sa mga government employees and students of SUCs. Ito ay may political motive, itong pagpapakanta at pagpapa-recite nitong hymn and pledge. Nangangamba tayo na maging precedent ito sa mga susunod na administration gagawa ng mga ganitong gimik,” ani Castro.

Nagbabala ito na ang pagsama sa Bagong Pilipinas hymn and pledge ay nangangahulugan ng napakahabang flag ceremonies.

“Pag-ginawa ‘yan sa mga public school, ‘yung first period mauubos na, ‘yung 40 minutes mauubos na kasi ‘tung Lupang Hinirang, Panatang Makabayan, kakanta pa ‘yan nung city hymn o municipal hymn. Kung idadagdag ‘yan talagang mauubos ‘yung first period,” sinabi pa ni Castro.

Palaging isinasama ang Bagong Pilipinas hymn sa mga event na dinadaluhan ni Marcos.

Bago ang paglalabas ng memorandum, ang naturang hymn ay hudyat ng pagdating ng Pangulo sa venue.

Samantala, ang panunumpa naman na “Panata sa Bagong Pilipinas,” ay pangako na mamumuhay ayon sa “Bagong Pilipinas” na unahin muna ang Pilipinas at makipagtulungan sa pamahalaan.

Isa rin itong pangako na makikilahok at susuporta sa mga adbokasiya ng pamahalaan “because development is not just the responsibility of a few.”

Ani Castro, bagama’t walang tumututol sa pangangailangan ng pagbabago, dapat ay nakikita na umano ang pagbabago sa kasalukuyan.

“Dalawa’t kalahating taon na ang present administration. Ano ba ‘yung pagbabago sa buhay ng ating mga mamamayan?”

“Mensahe ko kay PBBM, walk the talk, gawin na lang n’ya ‘yung tunay na gusto ng ating mamamayan. Hindi niya maitatago ang tunay na sitwasyon ng ating bayan sa pamamagitan ng mandatory na pagkanta ng hymn na ito.”

“Magtrabaho na tayo, 2 ½ years na walang pang nakikitang tunay na pagbabago ang ating mga kababayan.”

Sa flag ceremony nitong Lunes sa Senado ay hindi nito isinama ang Bagong Pilipinas Hymn at Pledge. Ang naturang flag ceremony ang kauna-unahan sa ilalim ng liderato ni Senate President Francis Escudero.

Ani Escudero, sakop lamang ng memorandum circular ng pamahalaan ang executive branch. RNT/JGC