MANILA, Philippines – Sinuspinde ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang lahat ng klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa Lunes, Hulyo 28, dahil sa isasagawang road closure at seguridad para sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Batasang Pambansa Complex.
Batay sa Executive Order No. 10, inatasan ang PNP at iba pang ahensya ng lungsod na ipatupad ang mga hakbang sa seguridad at trapiko. Hinikayat din ang mga residente na makinig sa talumpati ng Pangulo.
Nauna nang inanunsyo ng Kamara ang payak na pagdaraos ng SONA na walang red carpet, fashion coverage, o photo setup bilang pakikiisa sa mga nasalanta ng sunod-sunod na bagyo at habagat na kumitil ng 25 buhay at naglagay ng 84 na lugar sa ilalim ng state of calamity. Santi Celario