Home NATIONWIDE Southern Red Sea, Gulf of Aden ipinadedeklarang ‘warlike zones’

Southern Red Sea, Gulf of Aden ipinadedeklarang ‘warlike zones’

MANILA, Philippines- Itinutulak ng Maritime Industry Tripartite Council (MITC) ang deklarasyon ng southern Red Sea at Gulf of Aden bilang “warlike zones” upang protektahan ang kapakanan ng mga Filipino seafarer, sinabi ng Department of Migrant Workers nitong Miyerkules.

Sinabi ni DMW OIC Han leo Cacdac na tinalakay sa pulong ng MITC noong Martes kung paano mapalalakas ang proteksyon ng mga marino na ang mga barko ay dumaraan sa Red Sea at Gulf of Aden kasunod ng patuloy na pag-atake ng rebeldeng grupong Houthi.

Partikular na binanggit ni Cacdac ang mga kaso na kinasasangkutan ng Filipino seafarers—ang pagho-hostage sa 17 Pilipinong sakay ng cargo ship na inagaw ng Houthi sa Red Sea at ang missile attack ng parehong grupo sa isang merchant ship na tumatawid sa Gulf of Aden na ikinamatay ng dalawang Pilipino.

Ayon kay Cacdac, partikular na itinutulak ng gobyerno sa pamamagitan ng DMW ang deklarasyon ng Southern Red Sea at Gulf of Aden bilang high-risk-areas ngunit nakikita na ngayon ng MITC ang pangangailangang pataasin ang katayuang ito upang sapat na bigyang babala ang mg marino na maglalayag sa mga lugar na ito.

Kabilang sa mga lugar na tinukoy na may mataas na peligro ang southern section ng Red Sea at buong Gulf of Aden sa baybayin ng Yemen sa Arabian Peninsula, na umaabot sa baybayin ng Eritrea sa Horn of Africa na rehiyon ng Eastern Africa.

Sinabi ni Cacdac na kapag itinaas sa warlike zone status ang Southern Sea at ang Gulf of Aden, ang mga may-ari ng barko ay mahigpit na hikayatin na ilihis ang kanilang mga paglalakbay at maiiwasan ang pagdaan sa mga lugar na ito.

“Seafarers’ lives are more precious than cargo. Seafarers’ families and Filipino seafarers themselves are more precious than the commerce that goes on that area,” dagdag pa ni Cacdac.

Aatasan din ng DMW ang mga maritime principal at mga lisensyadong manning agencies na magparehistro sa pamamagitan ng OFW Welfare Monitoring System sa alinmang mga barko na daraan sa mga lugar na ito. Ang pagkabigong gawin ito ay mahaharap sa mga parusa ayon sa mga tuntunin ng DMW.

Muli ring pinagtibay ni Cacdac ang karapatan ng mga Pilipinong marino na tumanggi sa paglalayag sa Red Sea at Gulf of Aden.

Sinabi rin ni Cacdac na dapat may karapatan ang mga seafarer sa mga benepisyong idineklara ng IBF sakaling magdesisyon ang isang barko na ipagpatuloy ang paglalayag sa Red Sea at Gulf of Aden sea lanes at hindi irehistro ng Filipino seafarer ang kanyang karapatang tumanggi sa paglalayag.

Magtatatag din ang DMW ng electronicportal at registry para sa mga marinong gustong gamitin ang kanilang karapatang tumanggi sa paglalayag kung saan hihilingin sa kanila na punan ang mga form na magagamit sa website ng ahensya para sa pag-download.

Ibibigay din ang mga form na ito sa mga lisensyadong manning agencies para ipamahagi sa mga marino.

Dagdag pa ni Cacdac, maglalaan din ng hotline para sa mga marino na tumatangging maglayag sa mga nabanggit na lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePH-US Cope Thunder joint exercise kasado sa Abril
Next articleNWRB nag-isyu ng cease and desist order vs Chocolate Hills resort sa illegal deep wells