MANILA, Philippines – Nakatitiyak ang mga lider ng Kamara na tuloy-tuloy sa 20th Congress ang pagiging Speaker ng House of Representatives ni Leyte Rep. Martin Romualdez.
Ang pahayag ay ginawa ng ilang lider ng Kamara sa harap na rin ng ugong na balita na may mga nais sumingit sa Speakership ni Romualdez.
Ayon kay Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, maganda mga nagawa ni Romualdez sa nakalipas na tatlong taon kaya naman mainam na ituloy nito ang naging pamamalakad sa Kamara upang masiguro na maisusulong ang legislative agenda ng Marcos administration.
“Continuity ang mahalaga para sa Kongreso and we’re fully supportive behind the leadership of Speaker Martin,” paliwanag ni Suarez sa panayam ng mga reporters.
Gayundin naman ang pahayag ni Quezon Rep Mark Enverga, aniya, wala siyang naririnig na may nais na pumalit kay Romualdez lalo at ito ay naging magaling na lider.
“Speaker Romualdez will continue his role as Speaker in the next Congress,” pahayag ni Enverga na mula sa Nationalist People’s Coalition (NPC).
Samantala, sinabi ni Suarez na nananatiling supermajority ang partidong Lakas CMD sa Kamara, sa ilalim ng 20th Congress ay nasa 105 na mambabatas ang mula sa ruling party.
Ang Lakas CMD ay ang partido ni Romualdez. Gail Mendoza