MANILA, Philippines — Nagpalabas ang Malacañang ng serye ng special non-working holidays para sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa bansa sa mga buwang Oktubre at Nobyembre bilang pagkilala sa mahahalagang lokal na okasyon.
Sa pitong magkakahiwalay na kautusan na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Setyembre 30 — Proclamations 1045 hanggang 1051 — layunin ng mga deklarasyon na bigyang-daan sa mga residente na gunitain ang kanilang kultural na pamana at makasaysayang tagumpay.
Sa ilalim ng Proclamation 1045, idineklara ang Oktubre 9 bilang special non-working holiday sa San Isidro, Surigao del Norte para sa ika-66 anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan.
Itinakda naman sa Oktubre 16 ang pagdiriwang ng ika-68 founding anniversary ng Lapuyan, Zamboanga del Sur sa bisa ng Proclamation 1046.
Sa Batac City, Ilocos Norte, idineklara ang Oktubre 20 bilang holiday sa ilalim ng Proclamation 1047 upang gunitain ang ika-159 kaarawan ni General Artemio Ricarte, isang bayaning lumaban noong Rebolusyong Pilipino at Digmaang Pilipino-Amerikano.
Ipinahayag din sa Proclamation 1048 na ang Oktubre 28 ay magiging holiday sa Dingle, Iloilo, bilang paggunita sa Cry of Lincud, ang unang pag-aaklas laban sa pamahalaang Espanyol sa Iloilo at Panay.
Sa Proclamation 1049, itinakda ang Oktubre 29 bilang holiday sa Mati, Davao Oriental para sa Sambuokan Festival, na nagdiriwang sa kasaysayan ng lugar bago pa ito maging lungsod.
Ang Proclamation 1050 naman ay nagdedeklara ng holiday sa San Isidro, Davao del Norte sa Oktubre 30 para sa Sikwate Festival.
Samantala, sa ilalim ng Proclamation 1051, ang Nobyembre 4 ay idineklara bilang special non-working holiday sa Quezon Province bilang paggunita sa kamatayan ni Apolinario dela Cruz o Hermano Puli, isang pinunong relihiyoso na pinaslang noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. RNT/JGC