SA gitna ng nagbabadyang pagtaas ng presyo ng langis at ang hindi matatapos na tensyon sa Gitnang Silangan, tila isang “salbabida” ang inihulog ng Social Security System (SSS) sa kanilang anunsyo ng Php60 billion fund allocation. Ngunit sa likod ng malaking numerong ito, ano nga ba ang tunay na mensahe para sa karaniwang Juan at Maria?
Serbisyong May “Puso” at Bilis
Sa ilalim ng pamumuno ni PCEO Robert Joseph de Claro, kapansin-pansin ang pagbabago sa tono ng SSS.
Ang pagbaba ng eligibility requirements para sa Emergency Loan mula 36 buwan patungong 18 buwan na kontribusyon ay isang pagkilala sa realidad: ang krisis ay hindi namimili ng “seniority” sa trabaho.
Ang isang baguhang manggagawa ay kasing-gutom ng isang beterano kapag tumaas ang pamasahe at presyo ng bigas.
Digitalization
Ang paglulunsad ng Micro- Loan Program (MLP) na dadaan sa digital platforms ay isang matagal nang hinihintay na hakbang.
Ang mabilis na proseso (15 hanggang 90 araw na repayment) ay direktang kompetisyon sa mga “5-6” na nagpapahirap sa ating mga kababayan.
Kung magagawa ng SSS na maging mas mabilis pa sa mga illegal lenders, malaking tulong para sa manggagawang Filipino.
Ang Pagkakataong Makabangon (Penalty Condonation)
Para sa mga miyembro at employers na “nalunod” sa utang noong panahon ng pandemya o nakaraang krisis, ang Penalty Condonation ay isang “clean slate.”
Hindi layunin ng SSS na ibaon ang tao sa multa; ang layunin nito ay panatilihing aktibo ang mga miyembro upang pagdating ng panahon ng pagreretiro, mayroon silang aasahan.
Ang direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na pabilisin ang tulong ay isang paalala na ang SSS ay pag-aari ng mga miyembro. Ang pondong ito ay hindi “balato” kundi pinaghirapang pera ng taumbayan na ibinabalik sa kanila sa panahon ng pangangailangan.
Sa huli, ang tunay na tagumpay ng programang ito ay hindi susukatin sa bilyon-bilyong piso, kundi sa kung gaano karaming pamilyang Pilipino ang makatutulog nang mahimbing dahil alam nilang may masasandigan silang institusyon sa oras ng gipit.






