MANILA, Philippines- Nanawagan ang Social Security System (SSS) sa mga mambabatas na i-subsidize ang panukalang pagtataas sa kontribusyon ng mga miyembro nito.
Idinaan ni SSS president and chief executive officer Robert Joseph De Claro ang kanyang apela sa isinagawang press briefing sa Palasyo ng Malakanyang sa gitna ng panawagan ng mga grupo kabilang na ang mga mambabatas na suspendihin ang planong ‘contribution increase.’
Idinepensa naman ni De Claro ang nakatakdang pagtataas sa contribution rate ng SSS, sabay sabing marami ang maaapektuhan kung ang adjustment ay ipagpapaliban.
“Kasi ho mas marami ang maaapektuhan kung i-suspend ho nating itong increase na ‘to,” ang sinabi ni De Claro.
Ipinaliwanag pa ni De Claro na ang karagdagang koleksyon ay gagamitin para pondohan ang iba’t ibang serbisyong iniaalok ng SSS, partikular na ang pagkakaloob ng calamity loans.
“Last year, we gave out around P9.8 billion in loans for calamity-stricken areas Carina and I think Kristine madami ho kaming natulungan about 500,000 members. So, ‘pag ide-delay ho natin itong increase na ‘to, hindi lang ho magsa-suffer ang mga miyembro, wala silang opportunity, but also ‘yung capacity ho ng SSS na tumulong in times of need,” aniya pa rin.
Sa ulat, may ilang grupo kabilang na ang ilang mambabatas ang humirit at umapela sa SSS na suspendihin ang planong contribution hike, binatikos ang napapanahong pagtataas.
Sa halip na suspendihin ang pagtataas, hinikayat ni De Claro ang mga mambabatas na i-subsidize ang pagtataas para sa benepisyo ng SSS members.
“But I think the challenge there is mayroon ho kaming contribution subsidy program. Baka ho ang ating mga kapatid na mga mambabatas na nag-o-oppose, na nagre-request na i-delay ito hindi ba po puwedeng i-subsidize nila para sa kanilang mga miyembro itong dagdag na P190 na dagdag in contribution?” anito.
Binigyang-diin pa rin ni De Claro na ang ‘increase’ ay nakamandato sa ilalim ng Republic Act No. 11199, o Social Security Act of 2018, kung saan nakasaad na: “SSS shall increase its contribution rate every two years.”
Ang unang increase ay naging epektibo noong 2019, itinaas ang rate sa 12%. Taong 2021, itinaas ito sa 13% at noong nakaraang taon, 2023, itinaas ito ng 14%. Ang pinal na pagtataas ay nakatakdang maging epektibo ngayong taon alinsunod sa RA 11199.
“Actually kami sa SSS kami ay sumusunod lang sa batas,” ang sinabi ni De Claro. Kris Jose