Home OPINION STATE OF CALAMITY AT SUNOG SA ISKUL

STATE OF CALAMITY AT SUNOG SA ISKUL

SINABI ni El Niño Task Force spokesman Assistant Secretary Joey Villarama na maaaring aabot sa 20 lalawigan ang magdedeklara ng state of calamity dahil sa sobrang init ng panahon.

Maaari pang madagdagan ito depende sa sitwasyon dahil Abril pa lang ngayon at hanggang Mayo o lagpas pa ang mainit na panahon.

Sa dalawang buwang ito o mahigit pa, marami ang maaaring magaganap hindi lang sa agrikultura kundi sa iba pang mga usapin gaya ng kalusugan ng tao, suplay ng tubig at kuryente, sunog at iba pa.

MAY STATE OF CALAMITY

Sa ngayon, mga Bro, may state of calamity sa Occidental Mindoro province; Zamboanga City; Mayoyao, Ifugao; Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro; San Vicente sa Palawan; Sibalom, Antique; at San Andres, Romblon.

Nakararanas na rin ng matinding init ang mga buong rehiyon ng Soccsksargen, Cordillera Administrative Region, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Zamboanga peninsula, Calabarzon, at Mimaropa .

Nasa 54,000 magsasaka ang matinding apektado at nasa P2.63 bilyon nang kasiraan sa mga halaman, hayop at palaisdaan ang nasira.

Sa state of calamity, bubuksan at dudukot ang mga local government unit ng bahagi ng taunang calamity fund para ibuhos bilang ayuda sa iba’t ibang anyo para sa mga apektadong mamamayan.

Pero ang higit na isipin, titigil ang hanapbuhay ng marami sa mga ito gaya ng pagtatanim, paghahayupan at pangingisda at nangangahulugan ito ng gutom at paghihirap sa maraming tao.

‘Yan ang state of calamity.

Sana nga lang, walang magaganap na iskam sa mga calamity fund at mapagkaitan ang mga tunay na biktima ng kalamidad.

DATING DAAN AT SUNOG SA ISKUL

Maalaala pa ba ninyo ang dating daan, este, dating iskedyul ng pasukan at pagsasara ng mga eskwela?

‘Yun bang magmula sa Hunyo at matatapos sa Marso?

Sa ngayon, Agosto hanggang Mayo ang panahon ng eskwela.

Sa sobrang init sa paligid sa Abril at Mayo, hindi ba pupwedeng ibalik kaagad ang dating daan?

Ito’y para maiwasan ang kapahamakan sa init ng panahon ng mga bata at guro!

Kung titingnan ang mga posibleng kalagayan, hindi lang naman magdudulot ng sakit at kamatayan sa mga mag-aaral, guro at kanilang mga magulang ang init ng panahon.

Maiimadyin n’yo ba na marami nang iskul ang high rise o matataas na gusali?

Paano kung magkaroon ng sunog sa sobrang init at sobrang paggamit ng mga pampalamig na gamit?

Paano mo sasaluhin ang napakaraming batang musmos sa disgrasya rito?

Tatandaan, mauulit at mauulit ang sobrang init sa tag-araw dahil sa tinatawag nilang climate change o pag-iinit ng mundo dahil sa polusyon.

At ang sunog, dahil sa init ng panahon, nagaganap na kahit saan sa bansa, hindi lang sa mga kabundukan kundi sa mga kabahayan at iba pa na ikinadadamay ng mga iskul.

Nakatatakot isiping magkakaroon ng state of calamity sa pagkasunog ng mga iskul na may daan-daan o libong nagkaklaseng mga bata.