
KANYA-KANYANG galawan ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para makiisa sa panawagan ni Pangulong BOngbong Marcos na solusyunan ang nararanasang paghihirap at maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan.
‘Andyan ang Department of Labor and Employment na patuloy na nagsasagawa ng TUPAD na programa sa mga walang trabaho na mamamayan, Skills enhancement ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA para sa mga estudyanteng hindi nakasampa ng kolehiyo upang makapag-trabaho sila at matulungan ang kanilang pamilyang naghihikahos sa buhay at kahit paano ay may pangtustos sa pang araw-araw na pagkain.
Hindi rin tumitigil si Presidente Marcos sa paghikayat sa malalaking investors mula sa iba’t-ibang bansang binibisita nito upang sila’y magbukas ng negosyo rito sa Pinas at mabigyan ng panibagong pagkakataon na makapagtrabaho ang samabayanang salat ang kalagayan sa buhay.
Sa usapin nang pagtugon sa kahirapan,malaki na ang taya ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development na may ginagampanang pinakamahalagang papel sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na kababayang kabilang sa isang kahig at isang tuka.
Sa 4Ps pa lang, bilyones na ang ginastos ng ahensya sa mga benepisyaryo nito mula nang ilunsad noong 2008 ng administrasyon ni dating Pangulong Glorfia Macapagal Arroyo ang programa kung saan layunin namang matustusan ang edukasyon ng bawat pamilya sa pamamagitan ng ‘cash grants’ na tinatanggap nila kada buwan.
Ang nakababahala lang ay sa loob ng 15 taong naging benepisyaryo ang libo-libong mga pamilyang ito ay hindi pa rin umaangat sa dating lugmok na kalagayan ang buhay nila.
Ibig sabihin, dati nang ‘food poor’ o sapat lang sa pagkain ang kwarta nila kaya naman ipinasok sila sa 4Ps subalit hanggang ngayon ay hindi man lang umangat ang kanilang kalagayan.
Hindi naman makatwiran na sisihin ang DSWD na nagkulang sa trabaho nito bunsod sa bukod sa iniaabot na buwanang cash grants sa mga benepisyaryo, sangkaterbang programa pa ang ibinibigay na tulong sa pamilya kagaya ng medical, educational at iba pang tulong sa ilalim ng AICS, pangkabuhayan sa programa ng SLP at nakakapag-trabaho pa sila sa mga proyekto ng KALAHI at iba pang ayuda na iginagawad nito.
Sa madaling sabi, kailangan ngayon ang kolaborasyon ng bawat ahensya lalo na ang lokal na pamahalaan sa pagtugon sa nararanasang kahirapan ng mga pamilyang ito dahil hindi lang sila mga benepisyaryo ang kailangan maingat ang antas ng pamumuhay ng gobyerno.
Kailangan tumaya ngayon ang LGUs sa suliraning ito.