Home OPINION INIT AT TUBIG

INIT AT TUBIG

PUMALO sa halos 45 degrees ang ‘heat index’ o ang nararamdamang init sa ilang lugar sa Pilipinas.   Sa Isabela, sa Dagupan at sa ilang bayan sa Samar.  Sabi ng mga eksperto, kapag umabot sa 42 degrees ay itinuturing nang mapanganib para sa mga tao.

Linawin lang natin, hindi temperature ang sinusukat ng heat index kaya hindi ito pwedeng ihalintulad sa temperatura ng paligid o ng katawan ng tao.  Ang “heat index” ay ang pinagsamang sukat ng temperatura at ng antas ng humidity o umido.  Parang pinagsasama mo ang init at ang alinsangan.  At basta pumatong sa 42 degrees at pataas, delikado na sa mga tao, halaman at ilang hayop.

Hindi na kakaiba ang tag-init sa atin, pero ‘yung ganitong katindi ng tag-init at tagtuyot ay mukhang wala pang katulad sa mga naalala ko.   Nakararanas tayo ng El Niño, kaya patong-patong na mga masasamang epekto ang aasahan natin.

Bukod sa mga direktang resulta nang pagkapagod at pagkauhaw, maaring tamaan ng ‘heat exhaustion’ o ng mas matinding ‘heat stroke’ ang isang tao.

Naiulat na rin ang lampas ng P1.5 bilyon pagkasira ng mga pananim sa mahigit na 50 probinsya, dahil sa kawalan ng tubig at pagkatuyot ng mga lupa.

Nagbabala na ang Department of Environment and Natural Resources na maaaring sa kalagitnaan ng Mayo ay mabawasan na ang supply ng  inuming tubig.  Sumang-ayon nga ang National Water Resources Board o NWRB at nagmungkahi  nang  unti-unting  pagbawas sa inilalabas na tubig mula sa mga dam.

Medyo nakatatawa na nakaiinis ang mga naging mungkahi ng ibang mga mambabatas para makatipid ng tubig.   Huwag na raw magsuot ng ‘panty’ ang mga babae ‘pag nasa bahay at huwag dalasan ang pag-flush ng kubeta.   Hindi ako natawa, sa totoo lang.

Kailangan nga na makiisa ng mga orindaryong mamayan, pati na rin ang mga maliliit na negosyo at malalaking kompanya, sa pagtitipid ng tubig.  Ang mga pinakamadali ay isara muna ang golf courses, pribadong swimming pools at mga carwash.   Sunod ay gawing requirement sa mga mall, commercial centers at condominums ang pag-recyle ng tubig.

Kasabay nang pagtitipid ay ang pagpapalawak naman ng kagubatan natin.  Simple lang naman kasi, ‘pag maayos at mayabong ang mga gubat, mas maraming tubig ang pwedeng maipon para sa iba’t-ibang gamit.   ‘Pag naubos ang mga gubat, malaking kabawasan din ng tubig.

Sa huli, kapag marami ring gubat, hindi rin ganoon katindi ang init.