MANILA, Philippines- Mayroon nang bagong lugar para sa itatayong judicial complex kung saan itatayo ang lahat ng gusali ng hudikatura gaya ng Supreme Court (SC), Court of Appeals, Court of Tax Appeals, Sandiganbayan at iba pa.
Inihayag ni SC Associate Justice Jose Midas Marquez na naglaan para sa sangay ng hudikatura ng 25 ektarya ng lupa ang Department of Transportation (DOTr) sa Bambang, Bulacan na magsisilbing bagong site ng judicial complex.
Sinabi ni Marquez na ang property sa Bulacan ay mas malaki kumpara sa property sa Taguig City na unang plano ng SC na magpatayo ng complex.
Umaasa ang SC na masisimulan ang konstruksyon sa susunod na taon.
Ang naturang property ay bahagi ng concession agreement sa pagitan ng DOTr at San Miguel Aerocity, Inc. (SMAI). Donasyon ng SMAI ang 100 hectares sa gobyerno bilang bahagi ng Government Center Land Area sa Bulacan.
Lumagda ang Korte ng memorandum of agreement (MOA) sa DOTR at SMAI.
Sa ilalim ng MOA, ililipat ng DOTr ang naturang property sa Supreme Court.
Tiniyak ni Marquez na magiging state-of-the-art ang itatayong judicial complex. Teresa Tavares