MANILA, Philippines – TODAS ang isang lalaking stroke victim matapos barilin sa ulo ng hindi pa kilalang salarin sa isang eskinita sa Malabon City.
Kaagad nalagutan ng hininga ang 47-anyos na biktimang residente ng Brgy. Potrero sanhi ng tama ng bala sa ulo habang mabilis na tumakas ang salarin patungo sa hindi nabatid na lugar matapos ang pamamaril.
Sa ulat na inilabas, araw ng Linggo ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente pasado alas-8:00, Huwebes ng gabi, sa isang eskinita sa Block 13, Brgy. Longos.
Nabatid na bago ang pamamaril, nakita ng mga residente sa lugar ang biktima na panay ang text sa kanyang cellphone habang mabagal at pabalik-balik na naglalakad na tila may hinihintay hanggang makarinig sila ng putok ng baril.
Kasunod nito, nakita ang biktima na nakabulagta sa eskinita na may tama ng bala sa ulo at wala na rin ang hawak niyang cellular phone na hinihinalang tinangay ng salarin.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nasangkot na umano ang biktima sa mga kaso ng pagnanakaw at ilegal na droga at kalalaya lang sa piitan nang mangyari ang pamamaslang.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek. Merly Duero