MANILA, Philippines – NAGSISILBI ngayong ‘anchoring hub’ ng Chinese ships ang Subi Reef sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang naging pahayag ni Philippine Navy (PN) spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad bilang tugon nang hingan ng komento ukol sa patuloy na presensiya ng Chinese ships sa Ayungin Shoal, Escoda Shoal at Pagasa Island.
Nauna rito, napaulat na may mahigit sa 80 na assorted Chinese ships ang namataan sa territorial sea ng Pagasa.
“Makikita natin ang maraming pagtitipon ng mga (Chinese) Maritime Militia ay ‘yung malapit sa Pagasa sa Subi Reef at ‘yung malapit sa Ayungin na Mischief Reef sapagkat ‘yun naman ay mga enclosed haven, mga enclosed marina ‘yun so safe harbor nila ‘yun so dun ang maraming concentration ng kanilang mga Maritime Militia kasama na rin ang (People’s Liberation Army) PLA Navy at Chinese Coast Guard (CCG),” dagdag na wika nito.
Sinabi pa rin ni Trinidad na ang Subi Reef ay nagsisilbi ngayon bilang terminal o parking area ng Chinese Maritime Militia (CMM).
Ayon kay Trinidad, may panahon na umaabot hanggang 200 Chinese Maritime Militia (CMM) vessels ang nasa paligid ng reef.
Matatandaang, nagsagawa ang China ng mga reklamasyon sa Subi Reef simula noong 2014, kabilang sa kanilang naipatayo ay isang marine harbor. Kris Jose