Home NATIONWIDE Subi Reef ginawang ‘paradahan’ ng Chinese ships sa WPS – PH Navy

Subi Reef ginawang ‘paradahan’ ng Chinese ships sa WPS – PH Navy

MANILA, Philippines- Kasalukuyang nagsisilbi ang Subi Reef na “anchoring hub” ng Chinese ships sa West Philippine Sea, ayon sa Philippine Navy official nitong Huwebes.

Inihayag ito ni Philippine Navy (PN) spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad nang tanungin ukol sa patuloy na presensya ng Chinese ships sa Ayungin Shoal, Escoda Shoal at Pagasa Island.

Nauna nang iniulat ang lampas 80 iba’t ibang Chinese ships na namataan sa territorial sea ng Pagasa.

“Makikita natin ang maraming pagtitipon ng mga (Chinese) Maritime Militia ay ‘yung malapit sa Pagasa sa Subi Reef at ‘yung malapit sa Ayungin na Mischief Reef sapagkat ‘yun naman ay mga enclosed haven, mga enclosed marina ‘yun so safe harbor nila ‘yun so dun ang maraming concentration ng kanilang mga Maritime Militia kasama na rin ang (People’s Liberation Army) PLA Navy at Chinese Coast Guard (CCG),” dagdag ng opisyal.

Ani Trinidad, nagsisilbi ang Subi Reef na “terminal” o parking area ng Chinese Maritime Militia (CMM).

Sinabi ng PN official na may mga araw na nasa “150 to 200” CMM ships ang matatagpuan doon.

Iniuugnay ito ni Trinidad sa Chinese reclamation na nagresulta sa development ng Subi Reef bilang isang naval base sa mga nakalipas na taon dahilan upang mas maraming CMMs, PLAN at CCG ships ang magtungo rito.

Nagsimula ang pag-okupa ng Chinese occupation sa Subi Reef noong 1988 habang umarangkada naman ang reclamation activities noong 2014.

Ang Subi Reef ay mayroon ding runway, ports at harbors, storage facilities, communication equipment, radar domes at itinuturing na ngayong isang fully operational facility.

Sa pagiging naval base nito, ginawang “off limits” ang Subi Reef sa Pilipinas, aniya.

“Nung nag-reclaim sila at ginawang naval base naging off limits ‘yan sa atin,” giit ng opisyal. RNT/SA