Home NATIONWIDE Subsidiya pag-aralan bago fare hikes – solon

Subsidiya pag-aralan bago fare hikes – solon

74
0

MANILA, Philippines — Dapat munang tiyakin ng gobyerno kung sapat ang umiiral na subsidiya sa transport sector bago magpatupad ng anumang dagdag-pasahe, ayon kay House Committee on Transportation chair at Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren.

Sa isang forum sa Quezon City, iginiit ni Pumaren na kailangang isaalang-alang hindi lamang ang kalagayan ng mga tsuper at operator kundi pati ang kakayahan ng mga commuter na magbayad ng mas mataas na pamasahe.

“Hindi lang naman ‘yung transport sector ang titignan natin. Titingnan din natin ‘yung commuters if they can afford it right now,” ani Pumaren.

Sa kasalukuyan, nakabinbin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang petisyon, kabilang ang panukalang itaas sa hanggang P25 ang minimum na pasahe sa jeepney.

Ayon sa mambabatas, dapat munang i-maximize ang kasalukuyang tulong ng gobyerno tulad ng fuel subsidy, discounted fuel, per-kilometer assistance sa mga operator at drayber, at 20% discount benefits.

Nagbabala rin si Pumaren na maaaring magdulot ng mas malawak na epekto sa lipunan ang hindi napapanahong fare hike, lalo na sa mga low-income households na apektado na ng mataas na presyo ng bilihin.

Kasabay nito, sinabi niyang pinag-aaralan na rin ng Kongreso ang pangmatagalang reporma sa sektor, kabilang ang posibleng pagrebisa ng mga polisiya sa fuel pricing at transport support, kasunod ng emergency powers na ibinigay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa energy crisis.

Binatikos din ni Pumaren ang pagkaantala sa paglabas ng national ID, na aniya’y hadlang sa maraming transport worker sa informal sector para makakuha ng ayuda.

“Ang importante dito tamang data. Kung wala tayong maayos na identification system, mahihirapan talaga ang gobyerno sa targeting,” aniya.

Ibinunyag din niya ang mga kaso ng duplicate entries at “ghost riders” sa listahan ng mga benepisyaryo, na sana’y naiwasan kung maayos ang implementasyon ng national ID system.

Dahil dito, naghahain si Pumaren ng resolusyon para imbestigahan ng Kamara ang rollout ng national ID system ng Philippine Statistics Authority. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here