MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Energy na walang katiyakan na masusundan agad ng panibagong rollback ang malalaking bawas-presyo sa produktong petrolyo na ipinatupad ngayong linggo.
Sa Palace press briefing, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na ang pinakahuling rollback ay bunsod ng pansamantalang pagbaba ng world oil prices matapos ang anunsyo ng ceasefire ng United States at Iran. Gayunman, nagbabala siya na maaaring hindi ito magtuloy dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Epektibo noong Abril 14, nagbawas ang mga kumpanya ng langis ng P20.89 kada litro sa diesel, P4.43 kada litro sa gasolina, at P8.50 kada litro sa kerosene.
“So, will it continue to go down? There’s no assurance for that, if they still continue the war. Then, if they stop the war today, I think the prices will still be on the high side for a few months pa rin (still),” ani Garin.
Sinabi rin ni Garin na ang mga pahayag ni US President Donald Trump ay “unfortunately” may epekto rin sa trading prices. “So, we are really at the mercy of these countries. We are not even part of it,” aniya.
Ayon sa DOE, kumikilos na ito upang makakuha ng karagdagang suplay sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Oil Company at mga industry player. Upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis, ipinatutupad din ng pamahalaan ang PHP10 kada litro na fuel subsidy program na inaasahang tatagal ng tatlo hanggang apat na buwan, depende sa pondong magagamit. Dave Baluyot