LAGUNA, Philippines – Isang hinihinalang panununog ang naganap sa bahay ni Bilyonaryo News Channel digital chief at dating Philippine Daily Inquirer journalist na si Marlon Ramos sa Santa Rosa City, Laguna, madaling-araw ng Huwebes.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagsimula ang sunog sa kusina ng bahay bandang 2:43 a.m. at nagdulot ng pagsabog. Sinabi rin sa ulat na nakaamoy si Ramos ng “combustible chemical” habang nagaganap ang sunog.
Nahuli ng guwardiya ng subdivision ang isang 21-anyos na kaklase ng anak ni Ramos. Ayon kay Ramos, nahulihan ito ng lalagyan ng gasolina at inaming siya ang may kagagawan ng insidente.
Ayon pa kay Ramos, nakababahala ang insidente dahil posibleng ito ay copycat crime matapos ang nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22.
Sinabi ni Ramos na madalas bumisita sa kanilang bahay ang suspek at nakapasok ito sa subdivision matapos sabihing makikitulog lamang.
Dagdag pa niya, sinabi ng kanyang anak na iniwasan na nila ang suspek matapos mapansin ang pagbabago sa ugali nito.
Ligtas namang nakalikas si Ramos at ang kanyang pamilya. Tinatayang ₱156,000 ang halaga ng pinsala sa sunog.
Patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang insidente. Wala pang inilalabas na impormasyon ang pulisya kung anong kaso ang isasampa laban sa naarestong suspek. RNT/MDS