MANILA, Philippines- Nababalot na ng makapal na usok ang paligid ng Ilaya Street sa Divisoria sakop ng Tondo, Maynila dahil sa nasusunog na commercial-residential building.
Bandang alas-2:28 ng hapon nang magsimula ang sunog sa gitna ng matinding init ng panahon ngayong araw sa Maynila.
Sa inisyal na ulat, umakyat na sa ikatlong alarma ang sunog na matatagpuan sa Aquirre Street o sa pagitan ng Carmen Planas at Ilaya Street.
Bagama’t maraming fire truck na dumarating sa lugar, pahirapan naman ang mga bumbero dahil sa masikip na mga kalsada kaya naman ang iba ay nasa kabilang bahagi ng Carmen Planas.
Habang lumalakas ang apoy ay may mga naririnig namang mga pagsabog na maaaring mga naiwang mga tangke ng LPG.
Tumulong na rin ang mga opisyal ng barangay para magmando at magsaway sa mga nakikiusyuso para hindi maistorbo ang mga bumbero na kasalukuyang inaapula ang sunog.
Tuloy-tuloy na rin ang pagdating ng fire trucks sa lugar para tumulong sa pag-apula sa sunog na nagsimula sa ibabang bahagi ng gusali.
Ang Marso ay idineklarang Fire Prevention Month dahil sa mainit na panahon. Jocelyn Tabangcura-Domenden