Home OPINION SUNOG SA US PINAPASOK DIN NG MGA TULISAN, GAYA SA PINAS

SUNOG SA US PINAPASOK DIN NG MGA TULISAN, GAYA SA PINAS

UMABOT na sa 20 katao ang naaktuhang nagnanakaw sa mga lugar ng sunog sa Los Angeles, California, United States.

Habang nagkakagulo at lumilisan para magbakwit ang mga residente sa Palisades at tatlo pang lugar na tinamaan ng sunog, pumasok naman ang mga magnanakaw sa mga bahay-bahay, nasusunog man o hindi.

Kilalang tirahan ng mga artista, sikat at mayaman ang Pacific Palisades at iba pa, kaya gayun na lang ang gawa ng mga magnanakaw.

Ang mga magnanakaw, sasampahan ng mabibigat na kaso habang ang iba pang mga naroroon sa lugar na hindi dapat naroon ay inaaresto.

Dahil sa mga kawatan na ito, napilitang hindi umalis ang ilang residente at naging katu-katulong na ng mga pulis sa paghuli at pagbabantay laban sa mga magnanakaw.

Kasama ang mga residente ng mga pulis at bumbero na nahirapang sumuong sa mga usok at apoy na lumamon sa libong bahay, sasakyan, puno at iba pa.

Dahil sa pangyayaring ito, mga brad, bigla nating naalaala ang mga magnanakaw rin sa Pinas tuwing may sunog.

Isa sa mga biktima ang dating chief photographer ng Remate na si Fenny Pineda habang nasusunog ang lugar nila sa San Juan City.

Una niyang itinakbo palabas sa kalsada ang dalawang LPG tank upang hindi sasabog at makadagdag sa sunog saka niya binalikan ang iba pa niyang gamit.

Pagbalik niya, biglang naglaho ang LPG tanks sa kamay ng mga kawatan.

Sa Subic Public Market, Subic, Zambales, nang masunog ito, binugbog ng taumbayan ang apat na lalaking nagkakarga ng bigas isa isang jeepney.

Mga magnanakaw pala sila.

Wala ring katapusan ang kwento ukol sa mga magnanakaw sa mga sunog lalo na sa Metro Manila.

Pambihira namang pangyayari paglitaw ng mga iskalawag na bumbero na biglang nagkakapera at nagtatayo ng ibang bahay para sa kanilang pangalawang pamilya makaraan ang sunog.

Peksman.