MANILA, Philippines- Hiniling sa Muntinlupa RTC ng film director na si Darryl Yap na atasan ang kampo ng aktor at host na si Vic Sotto na huwag talakayin sa publiko ang anumang detalye tungkol sa kasong kinasasangkutan ng kontrobersyal na pelikula ni Yap na ‘The Rapists of Pepsi Paloma.’
Sa pamamagitan ng kanyang legal counsel na si Raymund Fortun, naghain ng mosyon si Yap sa korte para sa hirit nitong magpalabas ng gag order.
Ang mosyon ay sagot sa isinampang ₱35 million cyber libel case ni Sotto laban kay Yap.
Nais ni Yap na pagbawalan ng Muntinlupa RTC Branch 205 ang kampo ni Sotto na ipabatid sa publiko ang nilalaman ng isusumiteng verified return.
Ito umano ay magiging paglabag sa freedom of expression ni Yap at maaaring magdulot ng pinsala sa pelikula, lalo na’t hindi pa ito naipalalabas sa mga sinehan.
Iginiit ni Yap na kinakailangan ang gag order bilang pagsunod sa “sub-judice rule.”
Samantala, sa kanyang Facebook post, pinasalamatan ni Yap si Fortun at anak nitong si Raymond Wilhelm Fortun. Teresa Tavares