MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Quezon City government ang suspensyon ng face-to-face classes mula public daycare hanggang senior high, maging Alternative Learning Systems (ALS) sa Lunes, January 13 para sa Iglesia ni Cristo (INC) peace rally.
Idineklara rin ng lokal na pamahalaan ang suspensyon ng trabaho sa government offices, maliban sa health services, disaster response, law and order, at mahahalagang serbisyo sa lungsod.
“Ito’y bilang pakikiisa sa idaraos na National Rally for Peace na pinangungunahan ng Iglesia ni Cristo, na ang pangunahing sambahan na Templo Central at karamihan ng mga miyembro ay nasa Lungsod Quezon,” pahayag nito.
Base sa Quezon City, inaasahang itutuloy ng mga pampublikong paaralan ang school work sa pamamagitan ng alternative delivery systems.
“Ipinauubaya naman sa private schools at private companies ang pagpapasya sa pagsuspinde ng kanilang operasyon,” dagdag na pahayag.
Nauna nang idineklara ng Malacañang ang suspensyon ng government offices at klase sa lahat ng lebel sa Pasay at Manila sa January 13.
Nakasaad sa Memorandum Circular No.76, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na ikinasa ang suspensyon dahil sa inaasahang maraming kalahok sa “National Rally for Peace.”
Kapwa para sa private at public schools ang suspensyon ng klase, batay sa Office of the Executive Secretary.
Noong December 4, inanunsyo ng religious group na magsasagawa sila ng rally kung saan ihahayag nila ang suporta para sa paninindigan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban sa impeachment moves. RNT/SA