MANILA, Philippines – TINIYAK ng Malakanyang sa publiko na ang government relief initiatives kabilang na ang pinalawak na Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT) program, ay nakaayos na para pagaanin ang epekto ng tumataas na presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.
“Alam po naman natin na meron po tayong UPLIFT at may mga programa po tayo kung saan maaari nating tulungan lalung-lalo na po ang direktang nata-target po ng epekto ng krisis sa Middle East,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro
Winika ni Castro na maaaring gamitin ang government savings para suportahan ang patuloy na implementasyon ng pinalawak na UPLIFT program.
Sa ulat, nagpadala ang Department of Energy (DOE) ng sertipikasyon sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) na kinukumpirma na lumagpas na sa $80/barrel ang presyo ng Dubai crude sa world market.
Mula Agosto 13 hanggang Setyembre 11, 2026, ang average price ng Dubai crude ay umabot sa USD99.41 per barrel. Sa ilalim ng umiiral na guidelines, ang maabot ang threshold na ito ay nangangahulugan na pinapayagan ang gobeyrno na ikonsidera na isuspinde ang o bawasan ang excise taxes sa petroleum products.
At nang tanungin si Castro kung kinokonsidera ng Pangulo na suspendihin ang fuel taxes, sinabi ni Castro na hanggang ngayon ay hindi pa nagsusumite ang DBCC ng pinal na ebalwasyon at rekumendasyon nito.
Sinabi pa ni Castro na ang interbensyon opara sa mga apektadong sektor, partikular na sa transportasyon, ay tinalakay sa 11th Economic Development Council meeting na pinangunahan ni Pangulong Marcos sa Palasyo ng Malakanyang. Miyerkules ng hapon.
“Ang isa sa mga usapin dito ay patungkol sa transportasyon. So, tignan po natin,” aniya pa rin.
At nang tanungin naman si Castro kung maglalabas si Panulong Marcos ng urgent decision,muling inulit ni Castro na ang naging aksyon ni Pangulong Marcos ay base sa technical recommendations na iniaharap sa kanya.
“Alam naman po natin na lahat kailangang aksyunan agad ay mabilis naman pong umaksyon ang ating Pangulo,” ani Castro.
“Depende na po iyan kung ano ang magiging rekomendasyon. Kapag nandiyan na po ang rekomendasyon, umaaksyon naman agad ang ating Pangulo,” aniya pa rin.
Samantala, binigyang diin ni Castro na ang pangunahing direktiba ng Pangulo ay i-secure ang energy stability at pigilan ang kakapusan ng langis. KRIS JOSE