Home NATIONWIDE Hinihinalang biktima ng human trafficking at illegal recruitment, nasagip sa NAIA

Hinihinalang biktima ng human trafficking at illegal recruitment, nasagip sa NAIA

1
0

MANILA, Philippines — Nasagip ang isang hinihinalang biktima ng human trafficking at illegal recruitment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Setyembre 12 sa pamamagitan ng koordinadong operasyon ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) Task Force.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at agad itong iniugnay sa mga naka-duty na tauhan ng Bureau of Immigration (BI) Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES).

Ayon sa BI, isinagawa ang interception alinsunod sa IACAT Guidelines on Departure Formalities, na nag-aatas ng koordinasyon sa BI kapag may impormasyon na ang isang departing passenger ay maaaring potensyal na biktima ng human trafficking, para sa kaukulang assessment.

Ang pasahero, na kinilala sa pangalang “Inah,” 35, ay sinabing na-recruit online sa pamamagitan ng Telegram at Messenger para sa umano’y trabaho bilang phone operator sa isang casino malapit sa border ng Myanmar at Thailand.

Nangako umano ang recruiter ng ₱50,000 buwanang sahod. Naka-book si Inah na bumiyahe patungong Thailand bilang turista.

Ayon kay Inah, ang kanyang contact na tinukoy niya bilang “Miss A” ay nagpakilalang human resources employee ng kompanya.

Samantala, limang indibidwal, kabilang ang mga tauhan ng BI, ang iniimbestigahan kaugnay ng insidente upang matukoy kung may naganap na paglabag o kung may pagkakasangkot sa umano’y trafficking o illegal recruitment scheme.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang koordinasyon ng mga miyembro ng IACAT Task Force at sinabing magpapatuloy ang BI sa mga hakbang upang maiwasan ang human trafficking at maprotektahan ang mga potensyal na biktima.

“We will not allow our airports to become gateways for trafficking and illegal recruitment,” ani Viado.

Binigyang-diin din niya na iimbestigahan at pananagutin ang sinumang tauhan ng BI na mapatutunayang sangkot sa ilegal na aktibidad, batay sa magiging resulta ng imbestigasyon at ebidensiya.

Samantala, hinimok ni Viado ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na maging maingat at sumunod sa mga itinakdang proseso ng pamahalaan.

Pinayuhan ang mga jobseeker na beripikahin muna ang mga overseas employment opportunity sa Department of Migrant Workers (DMW) at sa mga opisyal nitong online services bago tumanggap ng job offer o gumawa ng travel arrangements.

Ayon sa BI, mahalaga ang tuloy-tuloy na koordinasyon ng mga ahensya ng IACAT Task Force, kabilang ang BI at NBI, upang matukoy at mapigilan ang mga tangkang human trafficking bago pa makaalis ng bansa ang mga potensyal na biktima. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here