MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) sa publiko na hindi tataas ang presyo at magkakaroon ng matatag na supply ng lokal na sibuyas kasabay ng pagsisimula ng harvest season.
Ito ay matapos mag-alala ang publiko na maubos na ang stocks ng sibuyas bago mag-February 1, ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI).
Ipinaliwanag ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang mga sibuyas na inani noong nakaraang taon ay inaasahang tatagal hanggang Enero o Pebrero dahil sa cold storage.
Ayon sa BPI, ang stock ng lokal na sibuyas red ay nasa 8,494.99 metric tons noong Enero 17. Sinabi rin ni de Mesa na ang peak harvest season para sa sibuyas red ay mula Enero hanggang Marso, kaya’t hindi dapat mag-alala sa biglaang pagtaas ng presyo.
Binanggit din ni de Mesa na kahit papalapit nang maubos ang stocks, darating na ang mga bagong aning sibuyas, kaya’t hindi tataas ang presyo.
Ayon sa DA Bantay Presyo, ang presyo ng sibuyas red sa Metro Manila noong Lunes ay mula PHP100 hanggang PHP180 kada kilo. (Santi Celario)