Home NATIONWIDE Pinakamalaking barko ng PCG pinosisyon sa WPS; China ‘monster ship’ babantayan

Pinakamalaking barko ng PCG pinosisyon sa WPS; China ‘monster ship’ babantayan

MANILA – Inilunsad ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pinakamalaking barko nitong BRP Teresa Magbanua upang subaybayan ang mga barko ng China, kabilang na ang tinaguriang “monster ship,” sa West Philippine Sea (WPS).

Ang hakbang na ito ay kasunod ng pag-deploy ng BRP Cabra upang magsagawa ng retrieval operation ng katawan ng isang mangingisda mula sa Silanguin Island, Zambales.

Ayon kay PCG spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela, dumating ang BRP Cabra sa Subic Port noong Martes ng umaga upang ilabas ang bangkay ni 58-taong gulang na Elpidio Lamban, isang mangingisda na namatay matapos magkaruon ng hirap sa paghinga at pagsusuka ng dugo habang nanghuhuli ng isda.

Ayon sa PCG, isang Chinese Coast Guard vessel (CCG 3304) ang nakaharang sa operasyon ng BRP Cabra upang kunin ang katawan ng mangingisda.

Dahil dito, iniutos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang pagpapadala ng BRP Teresa Magbanua, isang 97-metrong barko, upang ipagpatuloy ang pagmamanman sa lugar.

Nakakita ng mga barko ng China sa Zambales na kinabibilangan ng CCG 3304, CCG 5901 (ang tinaguriang “monster ship”), CCG 3502, at CCG 3103, na may mga distansya mula sa Bajo de Masinloc.

Patuloy ang tensyon sa South China Sea dahil sa mga pag-angkin ng China sa halos buong dagat, kabilang ang mga bahagi ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei. Sa kabila ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 na pumabor sa Pilipinas at nagwakas sa mga hindi legal na pag-angkin ng China, ay patuloy na tinatanggihan ng Beijing ang desisyon. RNT