MANILA, Philippines – Arestado ang mga dayuhang turista na nagpakilalang Taiwanese dahil sa umano’y pag-e-espiya.
Base sa ulat na nabisto ang mga foreign tourist na kumukuha umano ng video sa tabing-dagat ng Palawan kung saan kinukunan ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na galing sa naval base patungong West Philippine Sea (WPS).
Naalarma ang mga residente sa lugar nang maglagay umano ng CCTV camera sa isang resort na kanilang nirentahan na walang pahintulot at nakatutok sa karagatan kung saan dumaraan ang mga barko ng coast guard at navy.
Bukod dito, nagpalipad din umano ng drone ang mga dayuhang turista kaya naalarma ang mga residente sa lugar.
Nadiskubre din na ang mga nagpakilalang Taiwanese tourist ay mga Chinese nationals pala na nagsasagawa umano ng pag-eespiya.
Posible umanong konektado ang tatlo sa unang naarestong Chinese national kamakailan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na umanoy “spy” ng China.
Pinabulaanan naman ito ng suspek ngunit ayon sa AFP, maraming ebidensya ang nakuha sa cellphones kung saan may mga pictures ng kampo ng militar, barko at mga kagamitan ng militar. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)