Home NATIONWIDE Rep. Tulfo nag-public apology sa pagdaan sa EDSA busway

Rep. Tulfo nag-public apology sa pagdaan sa EDSA busway

Quezon City – Humingi ng paumanhin sa publiko si Representative Ralph Wendel Tulfo para sa kanyang iligal na paggamit ng EDSA busway, at tinanggap ang mga kaukulang parusa.

Sa isang post sa social media, inamin ni Tulfo ang kanyang pagkakamali at sinabi, “Lubos po akong humihingi ng paumanhin sa publiko, lalo na sa mga naapektuhan at naabala ng insidente kamakailan kaugnay sa pagdaan ng aking sasakyan sa EDSA bus lane.”

Si Tulfo, anak ni Senador Raffy Tulfo, ay inamin ang kanyang paglabag at binanggit na walang naganap na pagbanggit ng pangalanan ng mga politiko o pagsubok na iwasan ang mga parusa.

“Nabayaran na po ang mga kaukulang multa at sasailalim sa kinakailangang seminar upang higit na maunawaan at maipaalala ang umiiral na batas trapiko,” aniya.

Ang insidente ay naganap noong Enero 23, nang mahuli ang isang convoy na may kaugnayan sa isang mambabatas dahil sa illegal na paggamit ng EDSA busway.

Hindi agad inihayag ang pangalan ng mambabatas, ngunit kinumpirma ni Senador Raffy Tulfo na ang convoy ay pag-aari ng kanyang anak.

Ayon sa senador, pinagalitan niya ang kanyang anak dahil sa paglabag sa batas trapiko at pinayuhan itong mag-apologize sa publiko, na agad naman itong ginawa ng kongresista. RNT