
BATAY sa naganap o nagaganap sa mga digmaan sa Russia at Ukraine, Lebanon at Israel at Palestine at Israel, labis-labis na mabangis at mapanira ang digmaan.
Ito’y dahil sa paggamit ng mga bomba, missile, rocket at iba pang mga armas na kayang magwasak ng buhay, gusali at buhay.
Sa digmaang Russia-Ukraine, lumalabas na umabot na sa mahigit milyong sundalo at sibilyan ang namatay o nasugatan.
Sa Crimea at Donbas noong 2014, mahigit sa 14,000 Ukrainian ang namatay habang 7,000 ang pro-Russia at iba pa ang libo-libong nasugatan.
Simula noong Setyembre 2022 hanggang 2025, mahigit 220,000 puwersang Ruso ang namatay habang may 63,500 naman ang Ukrainian.
Daa-daang libo naman ang nasugatan gaya ng mahigit 350,000 Ukrainian at 500,000 Ruso at kabilang sa mga sugat ang pagkabulag, pagkatanggal ng mga paa at kamay at iba pa.
Sa giyerang Hamas-Israel, may namatay na 1,200 sibilyan at 500 sundalong Israeli habang umaabot na sa 47,000 Palestino ang namamatay.
Sa Israel-Hezbollah war sa Lebanon, may kabuuang namatay na 5,000, kasama ang nasa 50 na sundalong Israeli at iba ang mga nasugatan.
Pinupulbos naman ang mga tahanan, ospital, eskwela at iba pa gaya ng 50% sa Gaza at 30% ang bahagyang nasira ngunit hindi pupwedeng tirahan dahil kailangan silang gibain at itayo muli at ganito rin sa Lebanon.
Sa Russia at Ukraine, durog lahat ang mga bahay, eskwela at iba pang istruktura sa mga sentro ng labanan at marami ang wala nang nakatirang sibilyan.
At milyones ang nawalan ng pagkakitaan kaya malaganap ang gutom at may bakwit ding 10 milyon sa Ukraine, 2M sa Gaza at 640,000 sa Lebanon at 300,000 sa Israel.
Ngayon, nakikipag-angilan ang Pilipinas, sa turo at udyok ng mga Amerikano, sa China sa West Philippine Sea.
Kapag magkagiyera sa dagat at lupa sa Pilipinas, ano naman kaya ang mangyayari sa mga Pinoy at Pilipinas?