MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mas maraming oportunidad ang naghihintay sa mga nagtatanim ng kape at kakaw sa Kapangan, Benguet matapos silang maisama sa pagpaplano ng mga programang ipatutupad sa ilalim ng Value Chain Innovation for Sustainable Transformation in Agrarian Reform Communities (VISTA) Project ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Sa isinagawang participatory planning session, nagsama-sama ang mga magsasaka, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga kinatawan ng agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs), Indigenous Peoples (IPs), kababaihan, at kabataan upang tukuyin ang mga serbisyong higit nilang kailangan.
Layunin nitong mapataas ang produksyon, mapalawak ang kanilang pamilihan, at makalikha ng mas matatag na pinagkakakitaan.
Ang kanilang mga rekomendasyon ang magsisilbing batayan ng mga susunod na pamumuhunan at programa sa ilalim ng VISTA Project.
Bunsod nito naibahagi rin ng mga magsasaka ang kanilang karanasan sa pagtatanim, katutubong kaalaman, mga hamon sa produksyon, at sitwasyon sa pagbebenta ng kanilang mga ani.
Gagamitin ng DAR at ng mga katuwang nitong ahensya ang mga impormasyong ito sa pagbuo ng mga programang mas akma sa tunay na kalagayan at pangangailangan ng mga komunidad ng magsasaka.
Kaugnay nito ang VISTA Project ang pangunahing value chain development program ng DAR na naglalayong mapataas ang ani ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs), mapaganda ang kalidad ng kanilang mga produkto, mapalawak ang kanilang access sa merkado, at mabigyan sila ng mas maraming oportunidad para sa mga estratehikong pamumuhunan.
Sa pagtutok sa mga high-value crop tulad ng kape at kakaw, inaasahang mas lalaki ang kita ng mga magsasaka at mas magiging matatag ang kabuhayan sa kanayunan.
Binigyang-diin din sa aktibidad ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan sa pagpapanatili ng produktibong agrikultura. Ibinahagi nina Dr. Leonard Florence at Forester Jomar Guzman ang resulta ng biodiversity assessment na nagpapakitang nananatiling mayaman sa iba’t ibang uri ng halaman at hayop ang mga taniman ng kape sa Atok at Kapangan.
Ayon sa kanila, mahalaga ang mga ito sa polinasyon ng kape at pagpapalaganap ng mga binhi. Hinikayat din nila ang mga magsasaka na pangalagaan ang mga likas na tumutubong coffee wildlings at pangalagaan ang biodiversity upang mapanatiling matatag ang produksyon ng kape sa Benguet.
Pinangunahan ang aktibidad ng DAR Provincial Office of Benguet katuwang ang Orient Integrated Development Consultants, Inc. at ang Benguet State University Institute of Social Research and Development (BSU-ISRD).
Dinaluhan ito ng humigit-kumulang 40 kalahok mula sa anim (6) na barangay sa Kapangan.
Samantala para kay DAR Secretary Conrado M. Estrella III, ang pagpapaunlad ng industriya ng kape at kakaw ay nagsisimula sa pakikinig sa mismong mga magsasakang nagtatanim nito.
Sa pamamagitan ng VISTA Project, patuloy na pinalalakas ng DAR ang kabuhayan ng mga ARBs sa pamamagitan ng mas mataas na kita, mas matatag na mga negosyo sa kape at kakaw, at mas maraming oportunidad para sa mga pamilyang magsasaka sa Benguet. Santi Celario