MANILA, Philippines – TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bukod sa pagbibigay ng paunang tulong patuloy na binabantayan ng DSWD Field Office-5 (Bicol Region) ang sitwasyon ng mga survivors at pamilya ng mga nasawi sa fishing boat na nasunog sa pagsabog habang binabagtas ang Masbate hanggang Daang-Bantayan water noong Hunyo 5.
“Labis ang lungkot ng DSWD sa pangyayari. Ipinaaabot namin ang aming pinakamalalim na pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi. Makakaasa ka na tutulungan sila ng ahensya sa mahirap na panahong ito,” sinabi ni DSWD Asst. Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Irene Dumlao nitong Huwebes, Hunyo 13.
Sinabi ni Dumlao, na siya ring tagapagsalita ng DSWD, na ipagpapatuloy ng Departamento ang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang local government units (LGUs) sa kondisyon ng mga survivors upang matiyak ang kanilang mabilis na paggaling mula sa traumatic incident.
Batay sa inisyal na ulat, patungo sa Daan-Bantayan ang fishing boat na may lulan ng 12 tripulante mula sa karagatan ng Masbate nang magkaroon ng problema sa makina. Naganap ang pagsabog na nagdulot ng sunog sa Naga, Cebu, bandang alas-8 ng gabi.
Anim na tripulante ang nakaligtas sa insidente habang ang anim na iba pa ay namatay.
Ang DSWD Field Office-5 ay nagpadala ng cash relief aid na nagkakahalaga ng Php 5,000.00 sa bawat isa sa tatlong pamilya ng mga survivors at technical assistance para sa pagproseso ng funeral aid para sa mga nasawi.
“Pinaproseso na namin ngayon ang pagbibigay ng cash assistance mula sa aming Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program sa mga pamilya ng natitirang tatlong survivors at mga nasawi mula sa lokal na pamahalaan ng Balud at Cawayan sa Masbate,” sabi ng tagapagsalita ng DSWD.
Kaugnay nito nakikipag-ugnayan na ang DSWD Bicol regional office sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng LGU ng Balud at Cawayan sa Masbate para sa pagbibigay ng stress debriefing.
Noong Hunyo 7 at 10, nagsagawa ang mga tauhan ng DSWD FO-5 ng mga inisyal na home visit sa mga pamilya ng mga survivors at mga nasawi. Santi Celario