Home HOME BANNER STORY Suspek sa pagpatay sa FEU footballer na si Keith Absalon, arestado!

Suspek sa pagpatay sa FEU footballer na si Keith Absalon, arestado!

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) nitong Sabado, Enero 11 na naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang suspek sa pagpatay sa footballer na si Keith Absalon at pinsan nitong si Nolven noong 2021.

Sa pahayag, pinuri ng NTF-ELCAC ang pagkakaaresto kay alyas “Onang,” na hinihinalang high-ranking member ng New People’s Army (NPA) at isa sa most wanted individuals sa Bicol Region.

Si Onang ay naaresto sa operasyon ng pulisya sa San Fernando, Masbate.

“Today, we are one step closer to justice for Keith, Nolven, and their grieving families,” pahayag ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr.

Ang operasyon ay isinagawa sa bisa ng arrest warrants na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) 5th Judicial Region, Branch Masbate City.

Ang warrants para kay Onang at 23 iba pa ay may kinalaman sa kaso ni Absalon.

Si Onang ay nahaharap sa kabi-kabilang reklamo kabilang ang paglabag sa International Humanitarian Law and Other Crimes Against Humanity (RA 9851), sa ilalim ng Criminal Case Nos. 21293 at 21294, na may piyansang itinakda na P200,000 bawat isa.

Sangkot din ito sa dalawang counts ng murder sa ilalim ng Criminal Case Nos. 21295 at 21296, na walang piyansang inirekomenda, at isang count ng attempted murder sa ilalim ng Criminal Case No. 21297, na may piyansang P120,000.

Matatandaang nasawi si Absalon, 21, at pinsan nito nang sumabog ang Improvised Explosive Device (IED) habang sakay ang motorsiklo kasama ang mga kapamilya nito sa Masbate.

Nagsimula si Keith sa kanyang football career sa Far Eastern University (FEU) noong 2013 at nagkamit ng kabi-kabilang Midfielder of the Year awards, MVP ng UAAP Season 78, at six-time UAAP champion sa high school football. RNT/JGC