MANILA, Philippines – Boluntaryong sumuko nitong Lunes, Hunyo 8, ang suspek sa pagpatay sa kapwa nito pandesal vendor kay PBGen Hansel M. Marantan sa Camp BGen Vicente P. Lim Calamba City, Laguna.
Sa isinagawang press briefing sa PRO 4A Multipurpose Center Hall, Camp BGen Vicente P. Lim, Calamba City, Laguna, inilahad ni PBGen Marantan ang detalye ng insidente at ang matagumpay na resulta ng pinaigting na intelligence at police operations na humantong sa kusang loob na pagsuko ng suspek.
Napag-alaman na humigit kumulang sa tatlong araw na nagtago ang suspek sa lalawigan ng Quezon kung saan nagdesisyon umano ito na humingi ng tulong sa alkalde ng San Antonio, Quezon na si Mayor Erick M. Wagan para sa gagawin nitong kusang loob na pagsuko sa mga awtoridad para panagutan ang ginawa nitong krimen.
Kaugnay nito, naganap ang krimen sa ng San Fernando Pampanga noong nakalipas na buwan ng Mayo 30, 2026, dakong alas- 8:45 ng umaga habang ang biktima at suspek na kapwa nagtitinda ng pandesal kung saan hinihinalang nagkaroon umano ng inggitan sa pagitan ng mga ito hinggil sa pagtitinda ng pandesal na humantong sa pagtatalo at matinding alitan.
Matatandaan na nagkaroon umano ng pisikal na pagaaway ang biktima at suspek sa isang simbahan subalit kaagad din inawat ang mga ito, samantalang kaagad na umalis ang biktima upang magtungo sa Barangay ng Bacolor, Pampanga para ireport ang naganap na insidente, subalit sinundan umano ito ng suspek.
Base sa video footage sa pinangyarihan ng krimen ay binaril ng suspek ang biktima at upang makatiyak na patay na ito ay inihataw pa nito ang ulo ng biktima sa semento na tuluyang ikinasawi.
Kinilala ang biktima sa alyas “Angelo,” 30, isang pandesal vendor, tubong Quezon at residente ng Barangay Maliwalo, Bacolor, Pampanga.
Samantala, ang sumukong suspek na nakilalang si alyas “Ariel,” nasa hustong gulang, pandesal vendor at residente ng Barangay Calibutbut, Bacolor, Pampanga.
Nabatid sa ulat na matapos ang insidente, kaagad na naglunsad ng hot pursuit and tracking operation ang kapulisan ng San Fernando City Police Station upang matunton at madakip ang suspek.
Sa isinagawang beripikasyon at follow-up intelligence, nakumpirma na nagtatago ang suspek sa lungsod ng San Antonio, Quezon, dahilan upang agad na makipag-ugnayan ang mga operatiba sa Quezon Police Provincial Office sa pangunguna ni PCOL Romulo A Albacea.
Agad namang inaksyunan ang impormasyon at mabilis na nakipag-ugnayan ang Quezon PPO sa pamunuan ng bayan ng San Antonio, Quezon, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Erick M. Wagan.
Sa maayos na koordinasyon ng mga ahensya at tulong ng komunidad, naging posible ang agarang paglocate at tuluyang kusang loob na pagsuko ng suspek sa mga awtoridad, na naging mahalagang development sa mabilis na pag-usad ng kaso.
Ayon kay PBGen Marantan, ang pagsuko ng suspek ay patunay ng patuloy na pagtitiwala ng publiko at epektibong ugnayan ng komunidad at kapulisan.
“Mariin kong kinukundena ang anumang uri ng karumaldumal na krimen. Ang boluntaryong pagsuko ng suspek ay isang mahalagang development sa kasong ito na nagpapakita ng epektibong pagpapatupad ng batas at pakikipagtulungan ng komunidad. Sa iba pang mga indibidwal na nagtatago sa batas, harapin nila ang kanilang pananagutan at kusa nang sumuko sa mga awtoridad upang mapailalim sa tamang proseso ng hustisya,” pahayag ni PBGen Marantan.
Samantala, patuloy ang panawagan ng kapulisan sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng anumang insidente upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Ang sumukong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng San Fernando City Police Station habang inihahanda ang mga kaukulang kaso na isasampa sa korte laban sa suspek. Ellen Apostol