MANILA, Philippines – Inaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 13 (PRO13) nitong Huwebes, Hulyo 9, ang most wanted person ng Caraga region at primary suspect sa pananambang kay Barobo, Surigao del Sur Mayor Ronito Martizano at security escorts noong Pebrero 3.
Kinilala ni Brig. Gen. Marcial Mariano Magistrado IV, PRO13 director, ang suspek na si alyas “Commander Puma,” 39, ng Purok 4, Maapod, Barangay Cabacungan, Barobo.
Ayon sa Regional Intelligence Division 13 (RID13), ang suspek ay dating mataas na miyembro ng New People’s Army, ayon sa Working Periodic Status Report para sa fourth quarter ng 2016.
Nangyari ang pamamaril sa Purok 2, Barangay Dughan, Barobo, at ikinasugat ni Mayor Martizano, 60, at security escort nito na si PFC Kheven Mark Claridad, 29, ng 67th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Kasunod ng pag-atake ay ipinag-utos ni Magistrado ang pagkakaroon ng Special Investigation Task Group Martizano at ipinag-utos ang region-wide manhunt laban sa suspek.
Sa pamamagitan ng patuloy na surveillance, intelligence gathering, investigation, at inter-agency coordination, ay natunton at naaresto ng RID 13 at Barobo municipal police ang suspek.
Inaresto si Commander Puma sa apat na warrant na inisyu noong Abril 27, 2026 ng Regional Trial Court Branch 28 sa Lianga, Surigao del Sur.
Kabilang sa warrant ang isang count ng frustrated murder sa ilalim ng Criminal Case No. 26-5120, na may inirekomendang piyansa na P200,000 at tatlong counts ng attempted murder sa ilalim ng Criminal Case Nos. 26-5126, 26-5123, at 26-5125, na may inirekomendang piyansa na tig-P120,000 sa bawat kaso.
Nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at sumasailalim sa standard booking procedures at documentation bago ibalik ang warrant sa nag-isyung korte. RNT/JGC