Home NATIONWIDE Higit P3.6M kikitain ng BOC sa negotiated sale ng idle assets

Higit P3.6M kikitain ng BOC sa negotiated sale ng idle assets

1
0

MANILA, Philippines – Mahigit ₱3.6 milyon ang inaasahang kikitain ng Bureau of Customs (BOC) matapos ang isinagawang Negotiated Sale ng mga idle assets noong Hulyo 1, 2026, bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan na mapakinabangan ang mga nakatiwangwang na ari-arian ng gobyerno at madagdagan ang kita ng estado.

Ayon sa BOC, umabot sa ₱3,642,101 ang kabuuang halaga ng mga tinanggap na alok mula sa Fast Car Traders Corp. at Bengel Consumer Goods Trading, bagama’t hinihintay pa ang pinal na pag-apruba ng Department of Finance (DOF).

Kabilang sa mga naibentang ari-arian ang isang 40-foot container na may iba’t ibang household items na nagkakahalaga ng ₱280,000, isang 20-foot container ng mga kasangkapang yari sa kahoy na nabili sa ₱62,000, at isa pang 40-foot container ng assorted commodities at household items na naibenta sa ₱53,000.

Naibenta rin sa negotiated sale ang isang solar panel set sa halagang ₱37,100, gayundin ang mga coffee machine, water softener at iba pang loose items na umabot sa ₱450,001 ang kabuuang halaga.

Pinakamalaking transaksyon sa naturang bentahan ang 2023 Maserati Grecale Hybrid, na tinanggap ang alok ng Fast Car Traders Corp. na nagkakahalaga ng ₱2.76 milyon.

Ayon sa BOC, bahagi ang negotiated sale ng patuloy na pagsisikap ng ahensya sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno upang maayos na ma-dispose ang mga idle assets, mapakinabangan ang mga yaman ng pamahalaan, at makalikom ng karagdagang pondo para sa pambansang gobyerno.

Sinabi rin ng ahensya na ang lahat ng kikitain mula sa negotiated sale ay ipapadala sa pamahalaan alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon upang masuportahan ang iba’t ibang programa at serbisyong pampubliko.

Hinikayat naman ni Commissioner Nepomuceno ang publiko at mga interesadong mamimili na lumahok sa buwanang Negotiated Sale ng BOC at regular na subaybayan ang mga anunsyo ng ahensya para sa mga susunod na bentahan. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here