MANILA, Philippines – Kinasuhan na ng Office of the City Prosecutor ng Pasay City ang umano’y miyembro ng sindikato na ang negosyo ay surrogacy.
Ang surrogacy ay uri ng pagbubuntis na nangyayari kapag ang isang babae ang nagdadala at magsisilang ng isang sanggol para sa ibang tao o mag-asawa na walang kalayahang magkaroon ng sarili nilang anak.
Ang suspek na si Freezle Mae Balondo ay ipinagharap ng patong patong na kaso ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil sa pag-recruit online ng maaring gawing surrogate mothers.
Si Balondo ay naaresto noong Oktubre 12, 2024 ng National Bureau of Investigation – Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) matapos ituro na siyang nasa likod ng pagrerecruit at pag-aasikaso ng transportasyon ng dalawang babae patungo Thailand para sa surrogacy scheme.
Ang dalawang biktima ay naharang ng at na-offload ng Bureau of Immigration – Immigration, Protection, and Border Enforcement Section (I-PROBES).
Inendorso agad ang kaso sa NBI-HTRAD para sa kaukulang imbestigasyon.
Isa pang suspek na miyembro din ng sindikato ang iniimbistigahan ng mga otoridad.
Nabatid na ang suspek na si Joyce Mlang ang isa rin umano sa nag popost online ng advertisements para sa nais maging surrogate mothers.
Nag-aalok ang mga ito ng bayad na mula 8,000 hanggang 10,000 US dollars.
Iniimbistigahan din ang pagkakasangkot sa sindikato ng isang Wensen Shen, na may kaugnayan umano sa ML&MLANG International Surrogacy. TERESA TAVARES