Home NATIONWIDE Suspension order vs higit 20 NFA personnel inalis ng Ombudsman

Suspension order vs higit 20 NFA personnel inalis ng Ombudsman

MANILA, Philippines – Inalis ng Office of the Ombudsman ang suspension order sa mahigit 20 tauhan ng National Food Authority (NFA) na iniuugnay sa umano’y iregular na bentahan ng rice buffer stock sa mga pinapaborang trader.

Sa panayam ng DZBB nitong Biyernes, Marso 15, sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na ang suspension order ay inalis makaraang makita ng mga imbestigador ng kanyang opisina ang ‘erroneous data’ sa listahan na ibinigay sa kanila ng Department of Agriculture (DA), na sinasabing kinuha ang listahan mula sa NFA.

“Kung may pagkakamali sa listahan na iyan, hindi namain kasalanan iyon. Hindi ko alam kung sino nanloko sa amin,” pahayag ni Martires.

Aniya, ang mga tauhan ng NFA na inalis ang suspensyon ay ang mga warehouse supervisor sa National Capital Region (NCR).

“After conducting initial investigation ng mga imbestigador namin, itong nirekomenda nila na i-lift ang preventive suspension sa mga warehouse supervisors sa Iloilo, Antique, Cabanatuan, basta NCR. Basta mga 23 lahat ‘yun,” dagdag ni Martires.

Bago pa ang pag-aalis sa suspensyon ng 23 empleyado, nauna nang inalis ang suspension order ng isa sa mga empleyado ng NFA.

Ayon kay Martires, sinabi ng NFA na inisip nilang ang listahan na hinihingi ay listahan ng mga miyembro ng task force para sa El Niño.

“Ang tanong lang namin, kung listahan ng task force ng El Niño, bakit sinama ‘yung mga kawani na patay na? Ano ‘yung purpose noon? Niloloko niyo ang secretary of Agriculture?.”

Iniimbestigahan na rin umano kung sino ang nasa likod ng listahan.

Matatandaan na sinuspinde ng Ombudsman ang 139 NFA officials at mga tauhan, kabilang si administrator Roderico Bioco at assistant administrator for operations John Robert Hermano — bilang bahagi ng imbestigasyon nito sa umano’y “disadvantageous” na bentahan ng rice buffer stocks sa mga piling trader.

Ang suspensyon ay ipinatupad noong Marso 4, at tatagal ng 90 araw.

Umapela na sa suspensyon ang ilang tauhan at opisyal ng NFA.

Ani Martires, ang pag-aalis ng suspension order ay hindi konektado sa paghahain ng motion for reconsideration (MR) ng mga ito.

“‘Yung lifting ng suspension is not because of the MR.” RNT/JGC

Previous articlePH pinaratangan ng China na ‘misleading int’l community’ sa isyu sa WPS
Next articleMga dayuhang ‘di pinapasok ng bansa, pwedeng manatili sa airline lounges – MIAA