Home NATIONWIDE Mga dayuhang ‘di pinapasok ng bansa, pwedeng manatili sa airline lounges –...

Mga dayuhang ‘di pinapasok ng bansa, pwedeng manatili sa airline lounges – MIAA

MANILA, Philippines – Maaari nang manatili sa lodging facilities ng paliparan ang mga dayuhang bisita na hindi pinayagan makapasok ng Pilipinas.

Ito ay kasunod ng ulat na natambak na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga pasahero na hindi pinayagang makapasok ng bansa. Ang mga ito ay natutulog na sa mga gang chair at cardboard boxes.

Tinanggihan ang pagpasok ng mga ito sa iba’t ibang dahilan, kabilang ang umano’y kaugnayan ng mga ito sa krimen o inilagay sa watchlist ng Interpol.

Sa pahayag, sinabi ng MIAA na nakipagkita si General Manager Eric Ines sa Airline Operators Council (AOC) at Philippine Airlines (PAL) para pag-usapan ang paghawak sa mga ‘excluded passengers.’

Sinabi ng PAL na patutuluyin sa kanilang lounge ang mga excluded passenger, na sa kasalukuyan ay ‘under construction’ pa sa NAIA Terminal 1.

Maaaring patuluyin sa existing lounges sa Terminal 1 at 3 ang pasahero ng iba pang airlines.

Dagdag ng MIAA, ang mga pasaherong ito ay maaari ring tumuloy sa passenger lodging facilities.

“We provide these facilities primarily for transiting passengers but under our guidelines, excluded passengers are given priority,” ani Ines.

Ang main lodging facility ng MIAA ay nasa Terminal 3, sa 2nd level, at ang extension ay malapit sa Gate 116.

Mayroon itong kwarto na may mga higaan, simple storage space, kubeta at paliguan, charging station at dining area. Mayroon ding refrigerator at water station.

Kaya nitong makapag-accomodate ng 33 pasahero.

Inaasahan na magbubukas din sa NAIA Terminal 1 ang kaparehong lodging facility.

Samantala, sinabi ng AOC na magpapasa ito sa MIAA ng proposal kung paano tugunan ang paghawak sa excluded passengers na matatagalan pa bago pabalikin sa pinanggalingang bansa.

Ang proposal ay pag-uusapan ng Bureau of Immigration upang masiguro na walang malalabag sa probisyon sa ilalim ng
Immigration Act. RNT/JGC