CEBU, Philippines – Inalis na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang utos na itigil ang operasyon ng Monterrazas residential project sa Cebu City matapos sumunod ang developer sa mga requirement at magsagawa ng remedial works.
Ayon sa Environmental Management Bureau (EMB) Region 7, kinumpirma ni director John Edward Ang na isinagawa ng Mont Property Group Inc. ang mga kinakailangang hakbang alinsunod sa Environmental Compliance Certificate (ECC).
Kabilang sa mga ginawa ng kumpanya ang pagtatayo at pagpapahusay ng 23 detention ponds na may kabuuang kapasidad na humigit-kumulang 52,468 cubic meters. Layunin nitong kontrolin ang daloy ng tubig-ulan, bawasan ang pagbaha, at protektahan ang mga komunidad sa ibaba ng lugar.
Naglagay din ang kumpanya ng inlet at outlet structures, sediment traps para sa water quality, at mga hakbang laban sa soil erosion tulad ng vegetative cover.
Inatasan din ng EMB ang kumpanya na magsumite ng mga dokumento tulad ng as-built plans, maintenance plans, at hydrologic data, at magsagawa ng regular na maintenance.
“The detention ponds and associated measures represent a meaningful step toward mitigating flood risk, but continued monitoring and maintenance are essential to ensure long-term effectiveness,” ayon kay Ang.
Magpapatuloy ang monitoring ng EMB, kabilang ang pagsusuri sa performance ng mga detention pond, pag-check ng mga dokumento, at pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at komunidad.
Matatandaang pinatigil ng DENR ang proyekto noong Nobyembre 2025 matapos makitang may paglabag, kabilang ang malaking pagbawas ng mga puno sa lugar.
Noong Disyembre 2025, nagsampa rin ng kasong kriminal laban sa kumpanya kaugnay ng ilegal na paggamit ng kagamitan na para sa forest officers. RNT/MND