Home NATIONWIDE Suspensyon ng Davao del Norte gov pinalawig pa ng 30 araw ng...

Suspensyon ng Davao del Norte gov pinalawig pa ng 30 araw ng Palasyo

MANILA, Philippines – Pinalawig pa ng Malacañang ang suspensyon nito kay Gov. Edwin Jubahib ng Davao del Norte ng dagdag na 30 araw matapos ang dalawang buwang suspensyon dito.

Nakatakda sanang bumalik sa opisina si Jubahib nitong Lunes, Hunyo 10, matapos ang 60-day preventive suspension na ipinataw ng Malakanyang.

Sa kabila nito, naudlot ang pagbabalik ng gobernador matapos ang isa pang direktiba ng suspensyon sa kanya.

“I regret to inform you (Davao del Norte residents) that I cannot return to my office as governor following another suspension order,” pahayag ni Jubahib sa isang Facebook video message.

Noong Biyernes, Hunyo 7, nag-isyu ang Office ng 30-day suspension dahil sa umano’y pagsuporta ng gobernador sa protesta laban sa Northern Davao Electric Cooperative (Nordeco).

Mahigpit na kinakalaban ni Jubahib ang Nordeco dahil sa mahinang kalidad ng serbisyo nito at mga power interruption.

Tinukoy niya ang Island Garden City of Samal na isa sa mga lugar na napuruhan dahil sa mahinang kalidad na serbisyo ng electricity provider.

Ani Jubahib, itinuturing niya ang suspensyon bilang isang hamon at sinabing hindi siya titigil na lumaban para sa mga mamamayan na nahihirapan dahil sa ginagawa ng Nordeco.

“If this is the price I have to pay for public service, then so be it,” pahayag ng gobernador.

Si Jubahib ay sinuspinde noong Abril 11 dahil sa alegasyon ng grave abuse of authority at panggigipit.

Nananatiling acting governor si Vice Gov. De Carlo Uy. RNT/JGC