Home NATIONWIDE Syndicated estafa ikinaso sa mga nasa likod ng paglubog ng Aya Express

Syndicated estafa ikinaso sa mga nasa likod ng paglubog ng Aya Express

MANILA, Philippines – Kinasuhan ng syndicated estafa ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa may-ari ng M/B Aya Express at maraming iba pa matapos tumaob ang isang motor bangka noong Hulyo 27 na ikinamatay ng 27 pasahero.

Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na inihain ang reklamong syndicated estafa sa may-ari, boat captain, at miyembro ng Talim Island Motorboat and Patrons Association (TIPMOPA).

Ayon kay Balilo, ang reklamo ay base sa posibleng “fraud” at “misrepresentation.”

Dagdag pa niya na ang reklamo ay inihain sa Office of the Provincial Prosecutor sa Taytay, Rizal noong Miyerkoles.

Hulyo 27 nang tumaob ang M/B Aya Express sa Laguna Lake malapit sa Binangonan, Rizal.

Sinabi ng PCG na ang death toll mula sa insidente ay nanatiling 27 habang 40 ang nakaligtas.

Naunang iniulat na inihayag ng boat captain na hindi niya alam na ang bangka ay overload.

“Iyong captain naman kasi obviously in-admit niya naman iyong mga pagkakamali; nag-submit ng manifest pero pagkatapos noon nagpasakay pa, tapos in-admit din na hindi sila nagpapa-life vest. So, titingnan natin,” sabi ni Balilo.

Una na ring sinuspinde ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang passenger ship safety certificate (PSSC) ang M/B Aya Express.

Plano na ring imbestigahan ng sendo ang nangyaring trahedya sa passenger ferry. Jocelyn Tabangcura-Domenden