BATANGAS, Philippines – Nakapagtala ng dalawang pagsabog ang bulkang Taas sa probinsya ng Batangas sa loob ng 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa 5:00am bulletin, iniulat ng Phivolcs ang isang limang minutosng phreatic eruption at isang 13 minutong phreatomagmatic blast, hindi naman binanggit ang eksaktong oras na naganap ito.
Nitong Miyekules, isang minor phreatomagmatic eruption ang naganap sa bukana ng Taal mula 2:02am hanggang 2:15am.
Tinukoy ng US Geological Survey ang phreatic eruptions bilang mga steam-driven explosions na nangyayari kapag ang tubig sa ilalim ng lupa ay pinainit ng magma, lava, mainit na bato, o bagong nabuong mga deposito ng bulkan.
Ang mga phreatomagmatic eruptions, sa kabilang banda, ay nangyayari kapag nag-interact ang magma at tubig, na humahantong sa pagbuga ng singaw at pyroclastic fragment.
Naka-detect naman ang Phivolcs ng 10 volcanic earthquakes, na sinamahan ng apat na volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang apat na minuto.
Nilinaw ng ahensya na ang mga volcanic earthquakes ay nagmumula sa mga aktibong bulkan at nagpapakita ng mga natatanging pattern na nailalarawan sa kanilang “mode of arrivals, periods, at amplitudes.” Ang mga pagyanig ng bulkan, samantala, ay tuluy-tuloy na seismic signal na may regular o hindi regular na pattern ng alon at mababang frequency.
Sa pinakahuling monitoring period, iniulat ng Phivolcs na ang Taal ay naglabas ng 1,892 metric tons ng sulfur dioxide, na tumaas ng 600 metro sa hangin.
Ang Alert Level 1, ay nananatiling may bisa sa Bulkang Taal.
Nagbabala ang Phivolcs na maaari pa ring mangyari ang biglaang steam-driven o phreatic eruptions, minor phreatomagmatic activity, ashfall, at paglabas ng volcanic gas.
Patuloy na ipinagbabawal ng mga awtoridad ang pagpasok sa Volcano Island, ang permanenteng danger zone ng Taal, partikular sa loob ng main crater at ang Daang Kastila trail. Ang mga sasakyang panghimpapawid ay hindi rin hinihikayat na lumipad sa lugar, dahil ang abo mula sa biglaang pagsabog ay maaaring magdulot ng mga panganib. RNT/MND