MANILA, Philippines – Pipilitin ngayong taon ni Transportation Secretary Vince Dizon na itaas ang insurance coverage para sa mga public utility vehicles (PUVs) upang mas maprotektahan ang mga pasahero, lalo na matapos ang sunud-sunod na aksidente kamakailan.
Sa isang panayam sa Malakanyang, binigyang-diin ni Dizon ang utos ni Pangulong Marcos na unahin ang kaligtasan ng mga pasahero. “Ang insurance ay napakaimportante dahil ito ang nagsisiguro na kapag may nangyaring aksidente, may pananagutan at kompensasyon,” ani Dizon.
Aniya, pakikipag-ugnayan niya ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang ipatupad ang mas mataas na insurance coverage. Ayon kay Dizon, kahit tataas ang premium na babayaran ng mga operator, susubukan nilang balansehin ito para sa kapakanan ng mga pasahero at ng industriya.
Tinukoy din niya ang problema ng mga “colorum” o ilegal na PUVs, at sinabing kahit ang mga ito ay kailangang magkaroon ng insurance upang maprotektahan ang mga pasahero.
Bukod dito, binigyang-pansin ni Dizon ang road worthiness ng mga sasakyan at kakayahan ng mga driver bilang pangunahing bahagi ng kaligtasan.
Kasabay nito, sinabi niyang mayroon nang task force na binuo upang suriin ang mga isyu sa road safety at insurance, at inaasahan ang kanilang mga rekomendasyon sa loob ng linggong ito.
Sa usapin ng PUV Modernization Act, inamin ni Dizon na wala pa itong legislation sa ngayon, ngunit umaasa siyang mapag-uusapan ito ng susunod na Kongreso dahil malaki ang maitutulong nito sa pagbibigay ng insentibo at subsidiya para sa modernisasyon ng mga sasakyan.
Nauna nang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na inatasan ni Pangulong Marcos si Sec. Dizon na pag-aralan nang mabuti ang proposal para sa mas mataas na insurance coverage bilang dagdag na proteksyon para sa mga pasahero.
Sa kasalukuyang polisiya ng Passenger Personal Accident Insurance (PPAI), ang mga PUV passenger ay may coverage na hanggang P400,000 para sa bawat nasawi at P100,000 para sa bawat injury. Para naman sa mga pasahero ng private motor vehicle, maximum coverage ay P200,000 na paghahatian pa ng mga biktima. Kris Jose