MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Civil Aeronautics Board (CAB) na tataas ang fuel surcharge sa Level 8 mula Abril 1 hanggang 15, 2026 dahil sa patuloy na pabagu-bagong presyo ng langis kasunod ng mga pangyayari sa Gitnang Silangan.
Ang fuel surcharge ay karagdagang bayad na maaaring singilin ng mga airline bukod sa base fare upang matugunan ang pagbabago-bago ng gastos sa langis.
Sa Level 8, ang fuel surcharge sa domestic flights ay nasa pagitan ng PHP253 hanggang PHP787, habang sa international flights ay mula PHP835.06 hanggang PHP6,208.98 depende sa distansya.
Malaki ang pagtaas kumpara sa Level 4 na ipinatupad mula Agosto 2025, na may saklaw na PHP117 hanggang PHP342 para sa domestic flights at PHP385.70 hanggang PHP2,867.82 para sa international flights.
Inamin ng low-cost carrier na AirAsia Philippines na maaaring maapektuhan ang mga pasahero ng pagtaas ng gastusin sa paglalakbay. “For our part, AirAsia Philippines continues to implement operational efficiencies to help mitigate the impact on travelers,” ayon sa airline.
Paliwanag ni CAB Executive Director Carmelo Arcilla, layon ng 15-araw na monitoring at implementation cycle na mas mabilis na maayos ang fuel surcharge ayon sa pagbabago ng merkado, upang mabawasan ang delay sa pagitan ng aktwal na presyo ng langis at singil.
Ang mga airline na nais mag-apply o maningil ng surcharge ay dapat magsumite ng aplikasyon sa CAB bago magsimula ang bisa nito sa Abril 1. Ang exchange rate ay USD1 = PHP58.11. Dave Baluyot