MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez nitong Miyerkules na magkakaroon ng taas-pasahe sa mga public utility vehicle (PUV) habang pinag-aaralan pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang eksaktong halaga nito na inaasahang matatapos ngayong linggo.
Sa isang press conference sa Malacañang, sinabi ni Lopez na kasalukuyang sinusuri ng LTFRB kung magkano ang magiging dagdag-pasahe para sa iba’t ibang uri ng PUV. Aniya, hindi muna tinanggap ng kanyang tanggapan ang mga paunang mungkahi ng transport groups upang mas mapag-aralan nang mabuti ang ipatutupad na pagtaas ng pamasahe.
“We have to treat this very carefully with an abundance of caution, imbes na makakatulong tayo sa mas nakakarami at sa lahat, baka mas makakadagdag tayo sa problema,” ani Lopez.
Inanunsyo rin niya ang P5,000 fuel subsidy para sa mga PUV driver sa Metro Manila na sisimulang ipamahagi sa susunod na linggo.
Uunahin sa distribusyon ang mga tricycle driver, na susundan ng jeepney, taxi, transport network vehicle service (TNVS), at bus drivers.
“Ang utos po sa atin ng ating Pangulo [Ferdinand R. Marcos Jr.], huwag na nating hayaang mas lumala pa ang sitwasyon at kailangan ang whole-of-government approach at ‘yan po ay ipinag-utos niya sa Office of the Executive Secretary kaya kami ay nagkaroon ng pagpupulong kanina,” dagdag ni Lopez.
Makikipagtulungan ang Department of Transportation (DOTr) at LTFRB sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of the Interior and Local Government (DILG), at mga lokal na pamahalaan para sa pamamahagi ng subsidy at beripikasyon ng mga benepisyaryo.
Sinabi naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na makakatanggap din ng fuel subsidy ang mga PUV driver sa mga lalawigan sa labas ng Metro Manila.
“Iki-kick off lang natin sa Metro Manila pero sunod-sunod na po ‘yan, di na yan magtatagal. One after the other, mangyayari po yan tutal ang DSWD naman may nationwide offices kami who will do simultaneous payouts,” ani Gatchalian.
Bahagi ang planong taas-pasahe at fuel subsidy sa hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo dulot ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.
Noong nakaraang linggo, iniutos din ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga tanggapan ng pamahalaan na magpatupad ng four-day workweek at iba pang hakbang sa pagtitipid ng enerhiya upang mabawasan ang demand sa kuryente at fuel. Santi Celario